Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa lilim ng mga istrakturang kongkreto

Ang mga lunsod sa karamihan sa mga papaunlad na bansa sa mundo ay patuloy na nagiging sentro ng pag-unlad. Nagkakaroon ng mas maraming oportunidad sa mga ito, kaya nagiging dahilan naman ito ng pandarayuhan ng mga tao para mapalapit sa mga oportunidad na iyon. Kaya habang ang mga probinsiya at kabukiran ay naiiwanan, nagsisiksikan naman sa mga siyudad ang karamihan. 

Gayung-gayon ang matagal nang nangyayari sa Kamaynilaan. Ang napakaliit (kung ihahambing sa iba pang kapitolyo) na isthmus na ito ay nagiging tahanan para sa tinatayang 13 milyong tao, bukod pa sa mga limang milyon pa (kasama na ako) na naglalakbay papunta rito mula sa kalapit na mga probinsiya para pumasok araw-araw.  Kaya naman sa patuloy na pagdami ng tao, mga ilang dekada nang namamayagpag ang industriya ng pagtatayo ng mga malalaki at matataas na mga gusali, mga condo at mga mixed-used na mga establisyamento, maging mga township pa nga. Ang dating malawak na mga kaparangan at kagubatan ay unti-unting napalitan ng mga istrakturang kongkreto, na ang tuktok ay halos di na matanaw mula sa kinatatayuan sa kalsada ibaba. 

Bukod pa sa mga tirahan ng mga tao, nagsiksikan din sa rehiyon ang naglalakihang mga gusali na para sa komersiyal na gamit. Naaalala ko pa, mga 16 taon ang kaagahan, nang may bumisitang isang Amerikano para magsaliksik sa laboratoryo namin. Sa kaniyang report bago umuwi, hindi niya makalimutan kung paano siya nagulantang sa laki ng SM North. At paglabas niya? Aba, tatawid ka lang ng kalsada ay mapapadpad ka naman sa Trinoma. Ang siste, parehong punung-puno ng tao ang dalawang mall na iyon. 

Nariyan din ang mga tulay, mga expressway, mga riles na nakataas sa kalsada. Kung paanong ang mga tao at mga tindahan ay masusumpungan na ngayon pataas sa iba't-ibang palapag, waring naging gayon na rin ang mga kotse at tren. Sa nakalipas lang na mga taon, maging ang mga elevated na daanang ito ay pinagkakabit-kabit na rin (at hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang marami sa mga konstruksiyon na ito). 

Sa bilis ng usad ng pagtatayo, maging ang mga lugar na noon ay itinuturing na exclusive o kaya naman ay mapanganib ay hindi na rin nakaligtas mula sa mga gusaling bakal, salamin, at semento. Halimbawa, nang itinatayo ang gusali kung saan kami nakabili ng condo unit, napakalaking isyu nito, dahil ang barangay na kinatatayuan nito ay tinitirhan ng ilan sa mga pinakamayayaman sa lunsod, at nais nila na mapanatili ang arkitektura ng lugar. Bukod pa riyan, ang lugar na ito ay malapit sa isang aktibong fault, at dapat sana ay hindi pinatatayuan ng malalaking gusali. Aba, makalipas lang ang ilang taon: napakarami nang condo sa blokeng iyon, at marami ang hindi pa natatapos. 

Habang napapadaan sa mga lugar na iyon (doon dati ang trabaho ko), nakita ko ang isang poster mula sa nagrereklamong komunidad. Lumalabas na ang isa rin pala sa inirereklamo nila ay ang kanilang araw. Oo, ang malalaking mga condo, mall, o maging ang mga elevated railways ay nagkakaroon ng malawak na mga anino na pumipigil sa pagtagos ng mga sinag ng araw sa mga mas mabababang istraktura. 

Noong una, hindi ko gets kung bakit inirereklamo nila ito. Sa karanasan ko bilang isang biyahero sa lunsod, isang ginhawa pa nga ang mga lilim na iyon ng matataas na mga istraktura, nakababawas sa pagkabilad sa paglalakbay. 


Ang sinag ng araw sa hapon na tumatagos sa mga gusali ng La Salle.


Pero sa katagalan, naunawaan ko rin na pwede talagang makadama ng pagka-miss sa liwanag ng araw. Sa isang paglalakad sa baybay ng Taft, napatingala ako at namangha sa liwanag na tumagos sa pagitan ng mga nagtataasang gusali habang papasok ako sa La Salle. May kung anong ginising ito sa akin, nabago ang emosyon ko, at sa sobrang tuwa ay napahinto para kunan ng larawan ang tagpo. 

Kung minsan, dahil napapaligiran na tayo ng lilim ng mga istrakturang kongkreto sa kagubatan ng lunsod, nagiging isang kapanapanabik na tagpo na sa atin ang simpleng pagsikat ng liwanag ng araw. 

Sa tingin ko, ganito rin ang nangyayari sa buhay ng tao sa pangkalahatan. Ang gawang-taong mga istraktura (hindi lang ang mga pisikal na gusali kundi maging ang mga panlipunang katha) ay palagi nang nakabalot sa atin. Ito na ang sinasalita, iniisip, halos hinihinga na nga natin. Kasama rito ang mga pananaw tungkol sa tagumpay, pagpapahalaga sa pera, at pakikitungo sa iba, bukod sa maraming iba pang aspekto ng buhay. Itinataguyod ito ng maraming mga nagtataasang mga personalidad sa iba't-ibang larangan, na, gaya ng mga matatayog na gusali sa lunsod, nagdadala ng mga aninong tumatakip sa malawak na mga bahagi ng lipunan. Ang resulta? Todo ang pagkukumahog ng marami para maituring din na matataas na haligi ng lipunan, mapaangat sa iba, at magdala rin ng mapandayang lilim na tatakip sa kaisipan at hangarin ng marami. 

Sa sobrang laganap ng impluwensiya ng "lilim" na ito, kung minsan ay nakakamangha, nakakagulat pa nga, na makakita ng mga taong nagpapakita ng simpleng respeto at batayang pakikipagkapuwa-tao. 

Paglabas ko ng La Salle, maaaninag pa ang huling mga sinag ng araw na malamlam na dumadantay sa mga puting mga pader na nakaharap sa kanluran. 

Ipinasiya kong huminto sandali para sagapin ang huling mga minuto ng liwanag. Ibabaon ko sa isipan ang kagandahan ng mga huling sandaling iyon, bago muling lumabas sa lalo-pang papadilim na mga kalsada sa lilim ng mga istrakturang kongkreto. ■ 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...