Ang National Museum of Natural History ang huli sa mga Pambansang Museo na binisita namin.
Na hindi naman namin sinasadya. Nagkataon lang na kinulang kami ng oras matapos naming bisitahin ang dalawa pang mga museo - Anthropology at Fine Arts - noong una kaming nagawi rito.
Na wari namang kakatwa, yamang ang yamang kalikasan ng Pilipinas ay higit na mas marami, mas natatangi, at mas maganda kaysa sa anumang mga bakas at gawa ng tao. Dapat sana ay inuna na naming puntahan ito.
Ang mga display sa loob ay nagpapakita, hindi lang ng pagkasari-sari ng mga halaman, hayop, at iba pang natural na ganda ng Pilipinas, kundi pati na ang mga pagtatangka ng mga tao na kolektahin, suriin, pangalanan, at isalansan ang mga ito. Sa huling nabanggit, kasama na sa mga paliwanag ang mga modernong paraan ng pagkuha, pag-iimbak, at pag-aaral sa mga bagay na ito sa kalikasan. Kung ihahambing sa tradisyunal at historikal na mga pagsisikap, talagang napakalaki ng isinulong sa larangang ito, kaya mas marami at mas malalim na mga impormasyon ang makukuha sa panahon ngayon.
Sabihin pa, hindi pa rin ganap na makukubrehan ng mga tao ang lahat ng nilikha sa buong kalupaan at karagatan, kahit pa nga sa teritoryo pa lang ng Pilipinas. Aba, daan-daang taon matapos ang unang mga pagsisikap, mayroon at mayroon pa ring nasusumpungang bagong mga uri ng nabubuhay na nilalang; sa mga kamakailang balita sa pana-panahon ay may bago na namang natuklasan sa Pilipinas.
Mas lalo lang nagiging malinaw sa atin ang kasaganaan ng lakas, dunong, at pagkamalikhain ng Maylikha. Sinabi pa nga sa Bibliya, sa Roma 1:20, na talagang walang maidadahilan ang mga nagmamasid sa aklat ng kalikasan; makikilala, hindi, kikilalanin nila ang Disenyador at Organisador ng mga bagay na ito.
Sabihin pa, muli kaming naubusan ng oras. Umabot lang kami sa ikatlong palapag, pero kinailangan na naming umalis.
Habang papaalis, nagkaroon kami ng determinasyon na higit pang magsaliksik sa buong bukas na museo, ang kamangha-mangha nating planeta. Ang bawat pagmamasid sa daigdig ay pagbasa ng isang kabanata sa aklat ng buhay.
Lumabas man kami sa museo ng likas na yaman, mas interesado na kaming higit pang makilala ang Tagapaglaan ng gayong mga pamana. ■
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento