Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga pasyalang malapit lang

Matagal-tagal na rin kami sa lugar namin, kaya naging pangkaraniwan na lang ang mga tanawin. 

Ang tahimik na mga gabi na malayo sa ingay ng sibilisasyon? Isa ito sa mga nakaakit sa amin sa pagtira sa bundok. Pero ngayon, hindi na namin ito nabibigyang-pansin man lang. Kami pa nga minsan ang bumabasag nito sa tulong ng Youtube Music at ng Netflix. Kung hindi pa kami i-chat ni Mama (na nasa katabing bahay), hindi pa namin malalaman na naririnig na ng buong barangay ang pinapanood namin sa telebisyon. 

Ang mapunong mga tanawin, na may dalang sariwang simoy ng hangin? Muli, pangkaraniwan. Ang totoo, mas nagugulantang pa nga kami at hindi nagsasawang pagmasdan ang maitim na kaulapan ng smog ng Maynila, na kitang-kita mula sa aming bintana. 

Iyon pa nga pala: Ang mga tanawin ng lunsod, ang mga naglalakihang gusali na gumuguhit ng liku-likong abot-tanaw? Nakikita namin ito, pero hindi naman masyadong pinapahalagahan. Wala na ang unang pagkamangha na tinaglay namin nang masilayan ito, mga labindalawang taon ang kaagahan. 


Matapos ang pagpupulong, nagkayayaan kaming magkakaibigan na subukan ang isang restawran sa bundok, mga ilang bloke lang mula sa amin. Mas mataas pa ito sa kinalalagyan ng mga komunidad namin. Matagal naman na ito, pero hindi naman namin unang naiisip kapag gusto naming magliwaliw. Pero naisip naming bisitahin ito ngayon dahil dito rin nagtatrabaho ang pamilya ng isa naming kabataang kaibigan. 

At mabuti na lang at ginawa namin ito. 

pahinga


Napakaganda pala ng paligid (oo, ng LITERAL na paligid lang ng bahay namin). Ang mga tagpo sa kabundukan, na nakasanayan lang namin, ay para bang biglang naging kaakit-akit muli. Malamig nga pala ang hangin sa amin, kahit pa sa katanghalian. At ang buong Maynila, na tanaw mula sa hilaga hanggang sa timog: may dala pa rin itong ganda at pagkamangha. Nakakarelaks ang pasyalang ito. Kahit pa ito ay malapit lang. Dahil nakita namin ito sa unang pagkakataon. 


Pero siyempre, hindi naman nawawalan ng ganda ang paligid namin. Nawalan lang kami ng pagpapahalaga. 

Gayon naman talaga ang tendensiya ng tao: ang mawalan ng pagpapahalaga sa mga bagay na nakasanayan na. Hindi lang ito kumakapit sa magagandang mga tanawin at kalagayan sa paligid namin; pwede rin itong mangyari sa isang tao, bagay, o maging mga gawain at oportunidad. Ang dating isang kapana-panabik na bagay ay wari bang nawawalan ng kulay, hindi dahil naluma sila, kundi dahil lumabo ang ating mga mata. 


Habang nasisiyahan sa masarap na pagkain, tawanan at kulitan, at magagandang kapaligiran, ipinasiya kong ingatan ang tagpong ito sa aking puso. Huhukayin ko ito at ang aral na dala nito sa pana-panahon. Hindi man ako mapalayo sa kung anuman ang lugar at kalagayan, titiyakin kong muling “pasyalan,” wika nga, ang sitwasyon ko. Siguradong may mahahanap akong maganda at mapapahalagahan. ■


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...