Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga tagpo mula sa kabundukan

Ngayon ko lang napagtanto na halos buong buhay ko pala ay nakatira ako sa kabundukan. Lumaki ako sa mabundok na Antipolo, na kilalang puntahan ng mga turista para sa “overlooking”, ang magandang tanawin ng mga gusali ng Metro Manila (medyo malayo kami at mas mababa ang lokasyon sa dakong ito, pero nasa kabundukan pa rin kami at may gayong mga tanawin pa rin sa ilang bahagi ng paglalakbay patungo sa lugar namin). Pumapasok ako noon sa mga paaralan sa Marikina, ang lambak na nasa katabing bayan, kaya naging pangkaraniwan na ang paakyat na mga kalsada at bangin pauwi sakay ng jeep. At hindi na naging kamangha-mangha sa paningin ang matatayog na gusali, na mailaw sa gabi. 

Ang mga gusali ng Maynila mula sa kabundukan ng Antipolo.


Noong pansamantala akong tumira sa Dresden, saka ko hinanap ang mga magagandang tanawin mula sa itaas ng mga kabundukan. Hindi miminsang nilalakbay ko ang mga kabundukan ng Elbe Sandstone Mountains patungo sa Bastei, isang sinaunang bastion sa itaas ng mga mabundok na kagubatan. Pero kakaibang mga tagpo ang nakikita roon kung ikukumpara sa mga nakikita ko noong kabataan ko. Kapalit ng mga bahay at matatayog na gusali, puno iyon ng mga puno at kabundukan. Sa halip na mga kalsada, mga ilog na lumiliku-liko sa paligid ng mga bundok. Maging sa isipan, magkaibang mga tunog ang naguguni-guni ko sa pagmamasid sa mga tagpong iyon; kung ang sa una ay maingay na mga busina ng nagmamadaling kabihasnan, ngayon nama'y tahimik na mga huni ng kalikasan. 

Mga tagpo mula sa Bastei: kitang-kita ang Ilog Elbe at ang mga kagubatan sa paligid.
At ang mahabang tren patungo sa Czechia.


Ngayon ay nakatira naman kami sa San Mateo, na gaya ng Antipolo ay isa ring kabundukan. Ang sumusunod ay kuha mula sa playground sa aming subdibisyon; kitang kita hindi lang ang mababang mga lugar ng hilagang Metro Manila sa malayo, kundi maging ang mga kabahayan mula sa ibang mga bundok sa malapit. Noong unang pagpapasimula ng taon nang bumalik kami mula sa Alemanya, natanaw namin sa aming bintana ang makukulay na mga paputok na galing sa mga lugar na iyon sa malayo (at malapit).

Mga kabahayang tanaw mula sa aming lugar.


Maganda rin naman ang tanawin mula sa mas mababang mga lugar, maging sa lunsod man sa Maynila o sa baybayin ng Ilog Elbe. Pero ang pag-akyat sa mataas na lugar ay kasiya-siya dahil nagbibigay ito ng buo at malawak na larawan. 

Hindi nga kataka-taka na ang salitang Filipino na “pananaw” (na katumbas ng Ingles na “point of view”) ay hindi lang basta tumutukoy na aktuwal na natatanaw, o nakikita, ng isang tao, kundi ang kaniyang pagkaalam at paniniwala tungkol sa mga bagay-bagay. Pero gaya rin ng literal na pananaw, maaaring maging limitado ito kung hindi nakikita ang buong larawan ng mga bagay-bagay. 


Kailangan ang isang malawak na pananaw hindi lang para makapagpasiya nang tama kundi para maging kontento rin at maligaya. 


At siyempre pa, masaya rin at nakakarelaks ang literal na pagtanaw sa isang malawak na tagpo mula sa isang mas mataas na dako, malayo mula sa mga tunog at aktibidad mula sa ibaba. 


Nakatira pa rin ako sa kabundukan, at, bagamat hindi madaling lumabas ngayon sa mga tahanan, paminsan-minsan ay tumatanaw pa rin ako mula sa bintana para malasin ang mga puno at ilaw sa ibaba. Hindi na gaya noon, talagang pinapahalagahan ko na ang ganda ng mga tanawin ng lunsod, lalo pa ang mga ilaw nito sa gabi. ■

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...