Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagmamaneho para bumili ng pagkain nang gabing-gabi

 


Paisa-isa nang nagsasara ang mga pamilihan at restawran. Makikita mo ang mga huling empleyado na ikinakandado ang panlabas na halang. Ang iba ay hinihintay ng kanilang sundo, ng kanilang asawa, na nakaparada ang motorsiklo sa gilid ng kalsada. 

Pero hindi pa naman talaga malalim ang gabi. Kung tutuusin, ang mga establisamiyentong ito ay bukas hanggang madaling-araw, ang iba'y hanggang magdamag pa nga. Kaya ano ang alas-diyes kung ihahambing sa dating oras ng pagsasara na iyon? Kung ang pagbabatayan ay ang mga kalagayan noon, tila ba maaga pa ang alas-diyes o alas-onse pa nga. 

Pero hindi na parehas ang mga kalagayan noon at ngayon. Ngayon, ang banta ng epidemyang mabilis na kumalat ay nagpabago, nagtiwarik, wika nga, sa tibok ng pulso ng matandang Maynila. Ang dating di natutulog na lunsod ay napilitang huminto, magpahinga, at magtago. Ang di magkamayaw na buhos ng mga tao, sasakyan, at serbisyo, gaya ng mga selula ng dugo na noon ay mabilis na pumapaikot, ay bumagal, wari bang tulog, na naging dahilan ng anemia at kawalang-sigla sa buong palibot. 

Mabuti na lamang at may pailan-ilang mga lugar na bukas pa rin 24 oras. At ito — ito ang pakay namin ngayong gabi. 

Alam naming hindi nagsasara ang drive-thru ng McDo sa malapit. Nariyan din ang 7-11 na 24-7. Kaya naman pagkatapos ng pulong ngayong gabi, agad kaming sumakay sa kotse at tinahak ang tahimik na mga daang pababa tungo sa bayan. Habang daan, mga sasakyang paakyat sa aming lugar ang nasasalubong namin, lulan marahil ang pagod na mga manggagawa mula sa nagsipagsara nang mga tanggapan at pamilihan. Habang kami, hayun! Umaawit sa sasakyan habang tinutunton ang ngayo'y matahimik nang mga lansangan ng kabihasnan. 

Pagsapit sa destinasyon, inabutan namin ang pila ng mga sasakyan sa pag-order sa drive thru. Matapos maghintay ng ilang saglit, napatapat na rin kami sa window ng pagkuha ng pagkain; at doon, kitang kita namin ang mga kawani ng McDo na bagong pasok, masiglang ginagawang umaga ang gabi para maserbisyuhan ang marami nilang parokyano. 

Sa pagparada naman namin sa tabi para bumili ng ilang pangangailangan, matagal din naming hinintay si Steph na makabalik sa kotse para bumili sa 7-11. Mula sa labas, nakikita naming marami ring tao na dumadaan para bumili nang paisa-isang mga bagay mula sa tanging bukas na tindahang iyon. 

Hindi naman namin laging ginagawa ito (bilang pag-iingat na rin sa kalusugan). Pero nang gabing iyon, personal kong naramdaman ang pangangailangang magmaneho para bumili ng pagkain, kahit pa gabing-gabi. 

Siguro, binawasan nito ang pangungulila sa nagdaang mga panahon, nang maituturing pang normal ang mga bagay-bagay. Gaya ng anemic na lunsod, ang pananatili sa bahay ay unti-unti ring nagpapabagal, nagpapawala ng gana, sa akin. Sa amin. Siguro, kinailangan namin ang biyaheng ito para maging malinaw sa amin na nagpapatuloy pa rin ang buhay kahit sa gitna ng malalaking pagbabago sa mga kalagayan. 




Gabing-gabi na kami umuwi (siyempre pa), bagamat hindi naman halos lumampas ng isang oras ang mga ginawa namin. Umaawit pa rin kami sa kotse kahit malapit nang maghating-gabi. Noon, ang ganitong mga biyahe (lalo na sa akin, habang pauwi sa trabaho) ay nakakabagot at nakakaantok. Pero ngayon, hindi, hindi pa kami makatulog. Dahil na rin siguro sa french fries at Coke

Pero mas malaking bahagi siguro ang muling pagkadama ng kalayaan at normalidad matapos ang matagal na animo'y pagkakulong. Totoo, mabibilang sa daliri ang mga negosyong bukas, at dalawa nga lang ang pinuntahan namin; pero isa ito sa pinakamasayang paglalakbay namin nitong kamakailan. ■ 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...