Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa walang-lamang mga pasilyo

Nag-aagaw na ang liwanag at dilim, pero nandito pa rin siya. Hindi na niya napapansin ang mga bugso ng mga nagsisilabas na mga estudyante at guro dahil sa pag-aalala sa susunod pang gawain. Hindi pa tapos ang araw niya. May naghihintay pa sa kaniya hanggang gabi.

Nagkataon namang sa gusaling La Salle nakadestino ang kaniyang mga babantayang mga pagsusulit. Ang bulwagang ito ang pinakamatanda sa kampus, na binuo bago pa ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagamat may mga makabagong mga pasilidad at kagamitan (gaya ng mga projector at dala-dalawang aircon units sa bawat kuwarto), makikita mong matanda na talaga ang gusali, lalo pa’t maging ang panlabas na mga dibuho nito ay hango sa neo-klasikal na mga arkitektural na disenyo.

Lalo pang nahahalata ang katandaan ngayong takipsilim at halos wala nang tao. Itong mga ganitong eksena ang kadalasan nang nakikita sa mga pelikulang horror o thriller. Nabanggit kanina ang digmaan: bahagi ng kasaysayan ng gusaling ito ang marahas na pagpaslang sa mga opisyal ng paaralan na ginawa ng mga Hapones noong giyera. Para sa marami, nakakadagdag pa nga ito ng paninindig ng balahibo kapag ganitong oras at sa ganitong kalagayan.

Hayun. Mag-isa siya ngayon sa walang-lamang mga pasilyong ito. 


Pero hindi siya takot. Ang totoo, hindi naman siya naniniwala sa mga kababalaghan kaya hindi naman siya apektado ng mga patay. Sigurado din naman siyang wala siyang katatakutang mga buhay, dahil mahigpit naman ang seguridad ng kampus. At sa pagkakaalam niya, wala (pa?) namang estudyanteng naghahangad na mapatay siya.

Ang totoo, ang tahimik na ganda ng mga lumang pasilyo ang gumising sa kanya mula sa kaniyang kalagayan. Wala ngang espiritung gumagala, pero daig pa niya ang isang walang-buhay na kinapal sa pagpaparoo’t parito nang halos hindi na naiisip ang kaniyang mga pinupuntahan dahil sa sobrang pagkaabala. Wala nang aktibidad sa mga lumang pasilyo ng La Salle, pero daig pa ng isipan niya ang maingay at siksikang trapiko sa Taft Avenue sa labas dahil sa dami ng gawaing nagsisiksikan.

Napahinto siya para kunan ng larawan ang eksenang iyon. Napamulat siya, nabuhay nang sandali mula sa kaniyang mala-robot na buhay.

Sinipat niya ang mga arko at mga disenyong Ionian ng mga poste at biga. Ang hanay ng mga kuwarto, ang pagkakasalansan maging ng mga basurahan, ang ayos ng mga tisa. Habang sinisipat ng mga sinag ng papalubog na araw ang mga hubad na pasilyo, nakadama siya ng panloob na katahimikan, at, kakaiba mang pakinggan, kalayaan.

Nabuhay kaya sa isipan niya ang mga istoryang naipon ng mga silid at balkonahe sa loob ng mga taong lumipas? Nakalimutan kaya niya sandali ang pagkaabala ng buhay ngayon, at wari bang naglakbay sa nakaraan? Marahil; ang totoo, maging siya mismo ay hindi sigurado kung ano ba ang dahilan.

Basta, tangan ang mga papel mula sa nakaraang exam, napangiti siya habang binabaybay ang daang papunta sa mga hagdanan. May dalang ritmo ang tunog ng kaniyang mga sapatos sa kaniyang paghakbang.

“Next one.” Oo, hindi pa tapos ang araw niya, pero handa na siya sa mga susunod na kaganapan. ■

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...