Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga panaginip ng anak ko

Tumagi-tagilid siya at tumiwarik. Pero hindi pa siya dumidilat. Ayaw pa niyang gumising. 

Madaling-araw na rin kasi bago matulog itong bulinggit ko. Madalas na dahil sa paghihintay sa akin, kaya silang dalawa ng Mommy niya ay nagsasakripisyong manatiling gising kahit alas-onse na ng gabi. Pero sa bata, hindi naman talaga ito sakripisyo; kapag mas late matulog, mas matagal pa siyang maglalaro! Aabutan ko na lang siya na “pinapakain” at “pinapatulog” ang kaniyang mga manika. 



Pero kapag malikot na siya sa umaga, alam mo na. Nag-aagaw na ang diwa niyang gusto nang bumangon at ang katawan niyang ayaw pa. Diyan siya pinakamalikot. 

Pero ngayon, hindi lang ang katawan niya ang malikot. Pati pala ang isipan.

Nakapikit pa siya nang bumulalas: “Nasira siya!”

At dahil halos gising na rin ang diwa ko noon, tinanong ko siya. “Ano yung nasira?”

“Si Spiderman,” tugon niya, ngayon ay nanlalaki na ang mga mata sa pagkasabik. “Nasira si Spiderman kasi na-i-spray-an siya ng bad spray.

“Sino nag-spray sa kanya ng bad spray?” tanong ko, waring mas nasasabik pa kaysa sa kaniya. “Yung baby na super baby. Yung lumilipad.”

Ah, ang mga panaginip. Ang sabi nila, sa mga panaginip mo daw makikita kung paano maglikot ang utak, sa literal at makasagisag na diwa. Sa yugto ng pananaginip, abalang-abala ang utak sa pagpapadala ng mga elektrikal na mensahe sa iba't-ibang bahagi nito, na nagbibigay-daan sa mga makukulay (minsan ay literal din) na larawang nabubuo sa ating isipan. Napapanaginipan ng mga adulto ang isang bagay sa nakaraan, ang kanilang ginawa kahapon, o baka ang isang bagay na ninanasa nila.

Pero ang isang tatlong-taong gulang na bata? Heto. Mga lumilipad na super baby at nasisirang Spiderman.

Naglilikot pa rin, dinagdagan niya ang detalye ng kaniyang mga kathang-isip sa gabi. “Yung super baby lumilipad siya, may panyo siya sa likod.” Oo, sa paglalaro namin, kapag may panyo na siya sa likod, siya na si Super Bebelove. “Pero yung mga may kailangan sa kaniya, wala silang panyo sa likod. Pero nakakalipad sila kasi may power sila.”

Kung ang ibang magulang ay matatawa na siguro sa pagkakataong iyon, ako naman ay namangha. Ang mga larawang nabubuo sa isipan sa panaginip ng anak ko ay salamin ng kaniyang kaalaman at kaunawaan sa mundo. Sa mata ng isipan ng bata, ang paglipad ay nakabatay sa pagkakaroon ng kapa; sa pananaw ng bata, nagiging imposible lang ito kapag wala kang panyo sa likod.

Baka nga ganun talaga. Mas simple ang mundo sa pananaw ng mga bata. Nakakamiss din na balikan ang mga panahon kung kailan ang mga bagay na itinuturing natin ngayong imposible ay buong-tiwala nating pinanghahawakan -- kaya at posible! -- noong hindi pa tayo sinusugatan ng mundo. Para sa anak ko, ang paglipad ay kasing-simple lang ng paglalagay ng panyo sa likod; dahil, di tulad ko, hindi pa siya ibinabagsak ng mundo.

Sa pagmumuni-muni ko, hindi ko napansin na nakatulog na naman pala siya.



Mukhang seryoso ang mukha niya, mukhang nananaginip na naman ulit.

Niyakap ko siya at binalot ng kumot ang mga paa niyang giniginaw na sa aircon.

Sinuklian niya ako ng isang matamis na ngiti. Siguro, kasama ako sa panaginip niya. ■

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...