Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-upo sa Oval at mga pagbabago sa UP

Sa hindi malamang kadahilanan kanina, dinala ako ng aking mga paa palabas ng lab, palabas ng NIP, patungo sa Math at sa CS at tuluy-tuloy hanggang sa FC. Kumanan sa NSRI, binagtas ko ang mga daang patungo sa lumang NIP at Kamia. Maya-maya pa, kumaliwa muli ako sa daan sa pagitan ng AS at PHAN, sumulyap sa nasunog na CASAA.

Hindi ko na namalayan na papunta na pala ako sa Main Lib. Doon na ako napag-isip kung ano ang ginagawa ko roon. Bumili na lang ako ng pagkain sa mga tindahan doon at bumalik sa Oval. Naupo ako, nakatalikod sa PHAN, at tinanaw ang malawak na kaberdehan ng Sunken Garden at nakapaligid na mga gusali.


Sa aking pagkakaupo, tumambad sa akin ang malaking pagkakaiba ng tagpo mula sa dati ko nang nakasanayan. Ang dating abala at mausok na lugar dahil sa Beach House ay isa na ngayon tahimik at masukal na dako, na noo'y pinupuntahan na lang ng mga estudyante ng surveying.

Gayundin, noong pumasok ako sa UP, ang Bulwagan ng Dangal ay isa lang linya mula sa UP Naming Mahal. Ngayon ay tinatanaw ko na ito mula sa aking pagkakaupo.

Pagtalikod ko naman, nakita kong ang PHAN ay siya na palang Lagmay Hall.

Binalikan ko sa alaala ang lahat ng mga dinaanan ko sa aking paglalagalag, at lahat ay kakikitaan ng malalaking pagbabago. Ang NIP mismo na aking pinanggalingan ay plano pa lamang noon, gayon din ang mga kalsada at iba pang gusali ng Science Complex. Ang lumang CS building ay isa nang tahimik na kawalan. Ang EEE ay nagdagdag na ng mga gusali. Iba na rin pala maging ang bubong ng pathway papunta sa CASAA. At, oo nga pala, wala na ngang CASAA.

Aba, maging ang Sunken Garden ay waring kakaiba, napapanot sa tapat ng Grandstand (na, mabanggit ko lang, hindi pa gayon ang itsura noong estudyante pa lang ako).


Habang dinidili-dili ko ang mga bagay na ito, nginangasab ang malaking burger na binili, tumunog ang telepono, na muntik pa ngang mahulog dahil sa vibration. Tumatawag pala si Gino. Nagpapaalam siya kung pwedeng ang research meeting namin ay mailipat mula alas-kuwatro tungo sa alas-tres; may iba pa raw kasi siyang kausap pagkatapos. Sinilip ko ang orasan: alas-dos. Sinilip ko muna ang kalendaryo sa telepono kung may iba pang ka-meeting, at nang makitang wala, pumayag rin agad-agad.

Doon ko napagtanto na may lalo palang malaking pagbabagong hindi mula sa labas, kundi sa loob. Ang dating ako na pwedeng magpalipas ng maraming mga oras sa ganitong pag-iisa at pagninilay-nilay ay isa na ngayong nakatatandang faculty na may responsibilidad para sa iba, lalo na sa mga estudyante ko.

Tumayo ako para magsimula nang maglakad. Doon na ako daraan sa Educ, sa dating Narra na ngayon ay UPIS na.

Bitbit ang basura, naghahanap ako ng pagtatapunan sa tabi ng Oval. Wala na rin pala ang mga basurahan doon.

Samantala, nagtext naman si Mich, isa pang estudyante. Tinatanong kung nasa lab na ako.

"Papunta na," sagot ko, habang binabagtas ang mga lumang daan sa gitna ng mga bagong gusali ng Chem at MBB.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...