Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga bagay na di nagbabago

Naiinip na siya sa paghihintay sa labas ng istasyon. Ang maagang niyebe ng Disyembre ang lalo pang nagpahirap sa pag-aabang.


Kakatagpuin niya siya, hindi na sa maliwanag at mainit na Pilipinas kundi sa maulap at malamig na Pransiya.

Hindi naman na ito bago, itong paghihintay niya para sa kaniyang pagdating (nang huli, maidagdag lang). Maraming taon ang kaagahan, araw-araw na nangyayari itong ganitong tagpo, hindi sa malilinis na istasyon ng Strasbourg kundi sa maliit at masikip na Quezon Avenue Station sa Kamaynilaan. Minsan lang silang nagkasabay -- nagka-apakan pa nga -- isang maulang umaga ng Hunyo sa pagsisimula ng klase sa UP. Akalain mo ba namang magka-block pala sila -- at magkasunod pa ang apelyido, kaya magkatabi sila sa unang klase. Matapos pa lang ang unang araw na iyon, naging pasiya na nilang laging magsabay sa pagsakay sa tren papunta (at kung minsan din ay pauwi). At dahil hindi pareho ang kanilang istasyon -- sa Cubao lang siya, samantalang sa Buendia pa ang isa -- napipilitan siyang maghintay sa labas ng Quezon Avenue Station para sabay na silang mag-jeep.

"Tingnan mo nga naman," naisip niya. "May mga bagay talagang hindi nagbabago." Nagbago na ang pasukan ng UP mula Hunyo tungo sa Agosto; maraming taon na nga mula nang matapos sila sa unibersidad; hanggang sa Strasbourg ba naman, siya pa rin ang naghihintay. At ngayon, sa gitna ng malamig na umaga ng Disyembre, magdadalawang oras nang huli ang tren.

Habang nakatingin sa mga kamay ng orasan ng istasyon (na para bang ang bagal gumalaw), tinalunton niya sa isipan ang malayong biyahe na nagdala sa kaniya rito. Napag-isip-isip niya kung paanong ang lahat ng ito ay wala sa plano. Ano ba naman ang alam niya noon sa kursong Applied Physics, bukod sa maganda ito sa pandinig? Hindi niya namamalayan, unti-unti na siyang nahuhumaling rito -- bawat exam, bawat sakit ng ulo, bawat banta ng kuwatro at singko. Limang taon ang lumipas, natutunan na niyang mahalin ang kurso at ang buong sistema ng kanilang departamento.

Pati siya. Siya na kasama niya araw-araw sa pagpasok. Siya na araw-araw niyang hinihintay bawat umaga.

E kaso nga lang, hindi naman pareho ang damdamin nila, alam niya. Lagi itong ipinaaalala ng araw-araw rin niyang pakikinig sa mga kuwentong pag-ibig ng kasama. Mga kuwentong tungkol sa iba, mga kuwentong wala siya. Mga kuwentong sawi, na gusto sana niyang kantahan ng "Kung Ako na Lang Sana."

Pero tapos naman na iyon. Matagal na siyang naka-move on. Sa halip na magsayang ng luha o magpakasasa sa alkohol, ginamit niya ang sumunod na mga taon para kumuha ng Master's degree. Mabilis lang ding natapos ang Ph.D. Aba, ngayon ay may sarili na siyang grupo dito sa Pransiya at nasa tenure track na! Kaya pa rin naman pala niyang mahalin ang Physics kahit wala siya.

Kung paanong dati, kaya naman talaga niyang pumasok sa UP, sumakay ng jeep nang mag-isa.

Hindi lang niya ginagawa.

Siya naman, nabalitaan niyang mataas na rin ang posisyon sa isang malaking multinational na kompanya. Ewan kung may pamilya; parang wala naman sa Facebook. Basta nagkausap na lang silang muli nang malaman niyang papunta ito sa kaniyang lunsod para sa isang pagtitipon. At nag-alok siyang magsundo sa istasyon ng tren.

Gaya ng dati.

Sa wakas, narinig na niya ang paggasgas ng gulong ng tren sa riles. Nag-announce na rin ang PA System ng pagdating ng tren. Tumayo siya mula sa kinauupuan; hindi niya alam kung bakit parang nawala ang lamig. Sa pagsulyap sa gitna ng karamihan ng bumababa, namataan niya ang isang pamilyar na hubog, ngayo'y nababalot nga lamang ng makapal na mga jacket at guwantes. Habang hinihintay niyang magtagpo ang kanilang mga sulyap, may kung anong tumutulak sa kaniyang mga paa. Palapit. Hanggang sa mag-abot na ang kanilang tingin, at magpalitan na ng mga sabik na ngiti.

Tingnan no nga naman. May mga bagay talagang hindi nagbabago.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...