Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa isa na lagi lang nariyan

Nagpasiya na siya. Iiwan na niya ang dating buhay at ang mga kaakibat nitong sakit at pighati. Haharapin na niya ang bukas nang masaya at walang pag-aalinlangan. Aba, ipapakita niyang hindi siya ang nawalan.

Oo. Susundin na niya ang payo niya.



Bumangon na siya sa kama, pagod mula sa maghapong pag-iyak.  Nagbukas ng laptop at hinanap siya, ang una at huling taong nakaaalam ng lahat ng mga sugat sa damdamin na dinala ng limang-taong paghihintay sa isang taong hindi siya kayang mahalin.

Naaalala pa niya kung paano nagsimula ang lahat: talaga namang siya ang una niyang nakasama at naging kaibigan sa mas malaking mundo ng unibersidad. Hindi naman sa kailangan niya ng makakasama; buo pa ang barkadahan nila noong hayskul na hindi lang pare-pareho ang piniling pamantasan kundi maging ang mismong kursong kinuha. Pero sa paanuman, nagawa niyang makapasok sa kanilang mundo at makipag-ugnayan sa kaniya -- makipagsiksikan pa nga, ang kaniyang termino. May kung ano sa kaniyang personalidad -- at sa kaniya rin -- na nagpangyari na magkalapit sila.

Na napatunayan namang kailangang-kailangan nang dumating naman ang taong iyon na inibig niya mula sa malayo. Kasama niya siya sa bawat pagpaplano ng pagsilay, pagpapapansin sa taong iyon, pagpapakita ng motibo at intensiyon. Na sa bawat pagkakataon ay hindi naman nasusuklian. Kaya buti na lang at naroon siya para panatilihin siyang matino sa mga pagkakataong gusto na niyang magpadalus-dalos.

At ngayon nga ang pinakapadalus-dalos na desisyon sa lahat: umamin na siya, nauna na siyang magtanong. Na sinagot naman -- isang sagot na, kahit pa may ideya na siya, ay kinatatakutan pa rin niyang direktang marining. Ito ang sagot na hindi nagpabangon sa kaniya buong Sabado at Linggo at maging kina-Lunesan pa nga.

Ang sagot na matagal na niyang sinasabing magiging gayon nga, pero hindi niya pinakikinggan.

Ano't hindi siya online?

Nakailang chat at tangkang pagtawag na ang ginawa niya. Maging sa cellphone ay walang tugon. Abala ba siya? Gayon na lamang ba ka-importante ang ginagawa niya? Alam naman niyang ganito ang nangyari, naisip niya. Bakit ngayon pa niya kinailangang mawala? Parang napaka-unfair naman.

Lalo pa't sinabi niya noon sa kaniya na lagi lang siyang nariyan para sa kaniya. Anumang problema, kahit pa sa panahong magugunaw na ang daigdig, asahan daw niyang lagi siyang susuporta sa kaniya. Pero ngayon -- ngayong sumapit na sa kasukdulan ang mga kapaitang lagi naman nilang pinagsasaluhan -- ngayon pa siya wala.

Baka naman hanggang salita lang siya.

Habang dinidili-dili sa isipan ang animo'y pagtataksil na ito, ipinasiya niyang maghalungkat na lang ng mga alaala. Matagal na rin pala mula nang huli niyang bisitahin ang profile niya. Hindi nga niya alam na kasama pala siya sa profile picture niya, hindi lang kita kapag maliit.

Tinalunton niya ang mga larawan, paskil, komento, video, at iba pang mga bakas ng kanilang pinagsamahan nang mga ilang taon. Aba, minarkahan pa man din pala niya ang pagkakataong nagkakilala sila. Nagkomento nga pala siya sa bawat niyang paskil. Aba, hindi niya na nga namamalayan na siya pa ang hindi nakakatugon sa kaniyang mga komento minsan.

Bago rin sa kaniya ang paskil niya noong Biyernes. Noon iyon, nang makailang-ulit siyang pigilan na huwag nang gawin ang pagtatanong, pero bandang huli ay sinuportahan na lang siya. Nabasa niya:

"Tulad ng sinabi ko, lagi lang akong nandito."

At nakasama iyon sa isang larawan na hindi niya alam na meron pala. Doon iyon, sa kanilang tambayan, nang nag-uusap sila; hindi na nga niya naaalala kung tungkol saan. Masaya siyang nagkukuwento, at kumukumpas pa ang kaniyang mga kamay. Siya naman ay matamang nakikinig, nakangiti, at nakatingin sa kaniya na para bang siya ang pinakamahalagang tao sa mundo. Sa kaniyang tingin, para bang wala nang iba pang tao ang naroroon; kahit pa ang kasama nila na kumuha ng malabong litratong iyon mula sa cellphone.

Kung tutuusin, hindi rin naman niya napansin ang iba pa noong sandaling iyon. Siya rin naman e. Lagi rin siyang nariyan. Hindi rin niya maisip na may ibang takbuhan sa ganitong mga panahon...

Tumunog ang laptop. Nagso-sorry siya dahil sa nawalan ng baterya ang laptop niya.

'Hindi mo kailangang mag-sorry,' tugon niya. 'Usap tayo.'

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...