Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga binibili sa National Bookstore

Babala: Hindi ito isang patalastas para sa National Bookstore o anumang produktong nabanggit.



ako ang tipo ng tao na kapag pinabayaan mo sa mall ay pipiliing pumasok sa National Bookstore kaysa sa Timezone o sa department store. hindi ko alam; nasa dugo ko na marahil ang pagka-geek, kaya may kung anong panghalina ang school supplies kaysa sa sapatos o laruan. at, sabihin pa, ang bookstore na kinalakihan ko, gaya ng maraming iba pa, ay ang National Bookstore.

naroon sa mga estante ng National ang mga papel. may guhit o wala, puti o may kulay, matigas o malambot, malaki o maliit. at sa halos lahat ng dulo ng mga estanteng iyon, naroon ang mga makukulay na bolpen. iyon, iyon ang aking puntirya. marahil ay nakasanayan ko na ito, dahil noong bata pa ako, kaunti lamang ang pera ko anupat bolpen lang ang luhong nakakayanan ko. ang dating limang pisong Panda at dalawampung pisong Pilot ay paborito kong ipunin at ipanulat ng mga tula at maiksing kuwento, na ang mga kopya, gaya ng mga istorya at plot, ay pawang naiwala ko na.

kamakailan, sa isang research meeting sa laboratoryo, naarbor ni Sir Chris ang retractable ballpen ko na may apat na kulay. gaya ko, nahuhumaling din pala siya sa pamimili ng mga panulat, mga panulat na naiwawala niya ring lahat. sana'y hindi na niya maiwala ang isang ito. kung sabagay, lagi namang bukas ang mga pinto ng bookstore para sa kapalit.


bago pa man ang panahon ng CAT (na kung saan ay exempted ako) ay mahilig na ako sa tickler notebook, muli, dahil ito lang ang kaya ng laman bulsa ng asul kong shorts noong elementarya. nakakaubos ako noon ng mga pahina ng maliit na kuwadernong ito, lalo pa nang maging reporter ako ng school paper at wari bang ramdam na ramdam ko ang aking papel na pagkalap ng balita. narito rin ang mga drowing ko ng kabukiran (oo, ang naidrowing na rin ng lahat: ang bukid, ang bahay kubo, at ang dalawang bundok na pinagigitnaan ng sumisikat na araw), o di kaya ay ng teacher ko o ni Jose Rizal. ah, talagang nakakasabik tuwing may pagkakataon akong bumili ng kuwaderno sa National.

mga ilang buwan pa lang ang nakakaraan, nang maglipat kami ng mga gamit sa bagong bulwagan, nasorpresa ako sa tumambad sa akin nang buksan ko ang matagal na napabayaang mga kabinet. aba, naroon ang isang bunton ng mga notebook: Green Apple, Catleya, at kung anu-ano pang mga notebook na hindi ko nagamit. mga binili ko sa bawat paglilibot ko sa National.

kung minsan naman ay umuupo lang ako sa isang sulok. noon, ang sulok na iyon ay ang sulok ng mga estante ng aklat pambata. tumitiyempo ako na walang nagbabantay sa saleslady, at saka kukuha ng isang maliit na aklat ng maikling kuwento, mga kuwentong nagbibigay-buhay sa mga pang-araw-araw na bagay. doon ko "nalaman" na si Pina ay tinamad maghanap kung kaya isinumpa siya ng nanay niya na maging pinya (tumikim kaya ang nanay niya ng pinya, kailanman?). doon ako nahantad sa mga akda ni tukayong Rene Villanueva, at ni Eugene Evasco (na nang bandang huli ay naging guro ko pa sa Humanidades sa UP).

sa National Bookstore ko rin nabili ang pinakaunang aklat ko sa physics. Iyon ang Physics for Scientists and Engineers ni Paul Tipler, na ginagamit ko pa rin ngayon sa pagtuturo. mula noon, lahat na ng mga aklat na binabasa ko ay may kaugnayan sa Physics. ngayon nga, sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya, digital na ang mga aklat, at mouse na ang ginagamit sa paglilipat ng pahina. at ni hindi na nga aklat ang madalas na kinakailangan ko; sa halip, mga maiikling artikulo na lang mula sa mga scientific journals ang madalas kong pagbatayan sa aking mga sulatin.

sabihin pa, hindi mawawala ang pagkahilig ko sa pagbisita sa National Bookstore. iba pa rin ang pagkasabik na dala ng pagliliwaliw sa gitna ng malalaking estante at kabinet na iyon ng cartolina o Parker pens. siguro nga, ang pagbisita dito ay naging parte na ng pagkatao ko, isang bahaging hindi ko na maaalis o mapapalitan. siguro ibinabalik ako ng National Bookstore sa panahong ang pagkatuto ay nakaka-excite. kung sabagay, naisip ko, sa pana-panahon ay kailangan nga iyon.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...