Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagpapadala ng pagbati nang hatinggabi

Kagabi iyon, gabi ng lunes. Armado ng cellphone na kargado ng ETXT load, sinubukan kong mambulabog ng natutulog na mga kaibigan, malayo't malapit. 11:41 pm ang tala ng orasan nang magpalipad ako ng isang simpleng "gnyt :)" sa ere.

Biglaan iyon at walang paalam. Napa-"wow" tuloy si Glai, na siyang unang nagbalik ng pagbati. Makalawang ulit nagtext si Steph; ano't gising pa ako't nagte-text pa, magpapalit na ng araw. Muli akong nagpahatid ng "gnyt :-*" sa di-nakikitang mga "kawad" ng Globe.

Isa, dalawa, makaitlong nagparamdam ang telepono. Ang una'y pahatid na paubos na ang kanyang baterya. Ikalawa'y ang tunog na kaakibat ng pagsaksak ng charger. Ang huli, isang alarm na di-kawastuang nai-set. Ang mga segundo ay naging mga minuto; tumakbo ang mga oras na walang balik-mensahe akong natatanggap.

Hanggang sa ako'y makatulog.

Paggising ko kinaumagahan, siyempre pa't naroon ang mga text ni Steph na hindi pumapalyang magpangiti sa akin sa pagsisimula ng bagong araw.

May mensahe mula kay Cats at bumati rin si Loren. Bumungad ng isang magandang umaga si Marge.







Kapag nagpapadala ka ng pagbati sa mga tao ng dis-oras ng gabi, nariyan ang lahat ng aberya. tulog na ang kausap mo. mabasa man niya, maaaring wala na siyang lakas para sumagot pa. siyempre pa, wala ring pinipiling oras ang kawalan ng load para hindi makapag-reply.

Kaya ang hatinggabi ang pinakaangkop na oras para tumakas sa katotohanan. Na abala na ang lahat. At na dahil sa lahat ng kaabalahan ng buhay, hindi sa lahat ng pagkakataon ay masusuklian kahit pa ang simpleng pangungumusta.

Isipin mo na lang na tulog. Mas mapagpapaumanhinan ang tulog na walang reaksiyon kaysa gising na walang panahon.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...