Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa dapat mong gawin pagkatapos ng graduation

ang inyong pagtatapos ay hindi siyang katapusan kundi isang panimula.


cliche. sa tulad kong limang beses nang nagtapos (prep, elementary, high school, BS, at MS), makailang libong ulit ko nang narinig ang mga salitang ito, hindi lamang mula sa mga magulang, graduation guest speakers at mga guro kundi maging sa mga kaklase at ka-batch ko mismo. maraming dahilan kung bakit sinasabi ito ng maraming tao sa maraming iba't-ibang paraan ganitong mga pagkakataon. ito ang ilan sa mga ito.

una, kadalasan na, hindi pa naman talaga tapos ang "paglalakbay" ng isang tao tungo sa akademikong tagumpay sa panahon ng graduation. nang sabihin ito ng teacher ko sa Child Development School, alam niyang papasok pa ako ng Grade 1 sa Marikina Elementary School, at bagamat hindi niya alam kung saan, alam niyang magtatapos pa akong muli sa haiskul (sa dating Marikina Institute of Science and Technology) at kolehiyo (sa UP). baka pinangarap din niyang makita akong magtapos sa MS (na natupad nitong 2006 sa UP) at PhD (matutupad pa lang...sana). kaya sa literal na diwa, simula pa lang talaga ng susunod na level ng pagkatuto pagkatapos ng pagtatapos.

ikalawa, hindi pa naman talaga tapos ang buhay, sa pangkalahatan, sa panahon ng pagtatapos. matapos ka man ng PhD, JD, MD o kung anu-ano pang mataas na titulo na dudugtong at magpapahaba sa pangalan mo sa simula at sa dulo, hindi ka pa naman tapos sa paghinga, paglunok at paglakad. sa katunayan, sa pagtatapos mo, nasa sangkapat (o kalahatian) ka pa lang ng buhay mo, may tatlong kapat (o kalahati) pa ng natitirang yugto ng pagkatuto - sa pagkakataong ito'y batay sa sariling karanasan, ang tinatawag nilang "sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan".

ikatlo, ang mga salitang ito ay isang paalaala, isang utos. alam naman natin na ang tendency ng mga tao ay magpahinga pagkatapos marating ang tugatog. kung ipa-plot ang effort versus time, mukha sigurong logistic plot ang makikita, at ang graduation ang pasimula ng plateau. o kaya naman (mas realistic), parang poisson ang itsura: aakyat, at pagdating sa peak (sa graduation time) ay sing-bilis namang bababa. dahil ganito ang talagang nangyayari sa tunay na buhay, kailangan ng mabait na paalala at mahinang tulak: aba hijo/hija, hindi tumitigil ang mundo sa iyong pagtatapos. magpahinga ka kung kailangan, pero huwag kang huminto.





ang huling nabanggit ang siyang pinakamahalagang dahilan kung bakit kailangang ulit-ulitin: ang pagtatapos ay hindi siyang katapusan kundi isang panimula.


ang tunay na mahalaga sa panahon ng graduation ay hindi kung saan ka pupunta kundi kung paano ka pupunta sa kung saan mo man gustong tumungo.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...