Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa dorm

matagal na akong kinukumbinsi ng halos lahat ng mga kaibigan ko na tumuloy na lang sa dormitoryo o boarding house sa loob ng kampus. iniisa-isa nila ang mga benepisyo, at sa wari ay makatuwiran naman talaga ang pasiyang iyon, bukod pa sa praktikal. sabi pa ni grace noong isang gabi, kapag isinuma ko raw ang lahat ng ibinabayad ko sa pasahe, mas malaki pa ito kaysa sa bayad sa dorm. maluwag, malinis at kumportable naman ang mga kuwarto, iyan ang argumento ni ekkay. tipid sa oras sabi ni tons at sir chris, kaya marami akong magagawang makabuluhang bagay. wala din naman daw pakialamanan ang mga magkakasama sa kuwarto, na tulad ko ring mga faculty at nais magkaroon ng panahon ng katahimikan.

wala naman talaga akong tutol sa mga bentahang ito; sa katunayan, kumbinsido ako na totoo ang mga ito. ako, ang walong taon nang nagbibiyahe paroo't-parito sa UP, ang higit na nakaaalam kung gaano kalaking panahon, lakas at salapi ang nagugugol sa araw-araw na paglalakbay. siyempre pa, napakalaking ginhawa ang idudulot kapag isang ikot na lang sa kampus ang magdadala sa akin sa dakong paghihigan sa gabi. pero siyempre pa, may mga bagay na pumigil sa akin mula sa paninirahan sa dorm, malayo sa tahanan, sa loob ng lahat ng walong taong iyon.

sa mabilis na daloy ng buhay, kung saan bawat bulong at pangungusap ay may kumakampay na mga pakpak at bawat tuldok at anino ay naglalayag, unti-unting inaanod ng pang-araw-araw na mga gawain ang buhay at pagkatao. inuubos ng pagod ang lakas. binibingi ng balita ang tainga. at nilulunod ang mata ng mga bagay na bago at kakaiba. napakabilis ng prosesong ito anupat bawat araw, hindi man natin namamalayan, nagbabago ang ating kaloob-loobang pagkatao -- sa positibo man o negatibong paraan.

kaya iba pa rin ang meron kang homebase, meron kang paghuhulugan ng angkla pagkatapos ng malayong paglalayag. o, parang computer, meron kang system restore. kapag na-saturate na ng mundo ang utak mo ng lahat ng kaabalahan nito, ibabalik ka ng tahanan sa kung saan ka man dapat masumpungan -- kung saan ka dapat naroroon.

oo, ng tahanan. yun lang actually ang bubuod sa dahilan kung bakit walong taon na akong nagtitiyaga sa pag-uuwian. bibigyan ako ng dorm ng BAHAY, pero hindi ng TAHANAN.

lumilipad ako sa alapaap, lumalaban sa panulat, sinasabayan ang pag-ikot ng mundo. pero gaano man kalayo ang narating, gaano man katagumpay sa digma, at gaano man kalayo ang itinalsik mula sa mukha ng globo, hinihigop pa rin ako ng init at kapayapaan ng tahanan. at habang taglay ko pa ang pagkakataon na gawin ito, hindi ko ito pakakawalan.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...