Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa dorm

matagal na akong kinukumbinsi ng halos lahat ng mga kaibigan ko na tumuloy na lang sa dormitoryo o boarding house sa loob ng kampus. iniisa-isa nila ang mga benepisyo, at sa wari ay makatuwiran naman talaga ang pasiyang iyon, bukod pa sa praktikal. sabi pa ni grace noong isang gabi, kapag isinuma ko raw ang lahat ng ibinabayad ko sa pasahe, mas malaki pa ito kaysa sa bayad sa dorm. maluwag, malinis at kumportable naman ang mga kuwarto, iyan ang argumento ni ekkay. tipid sa oras sabi ni tons at sir chris, kaya marami akong magagawang makabuluhang bagay. wala din naman daw pakialamanan ang mga magkakasama sa kuwarto, na tulad ko ring mga faculty at nais magkaroon ng panahon ng katahimikan.

wala naman talaga akong tutol sa mga bentahang ito; sa katunayan, kumbinsido ako na totoo ang mga ito. ako, ang walong taon nang nagbibiyahe paroo't-parito sa UP, ang higit na nakaaalam kung gaano kalaking panahon, lakas at salapi ang nagugugol sa araw-araw na paglalakbay. siyempre pa, napakalaking ginhawa ang idudulot kapag isang ikot na lang sa kampus ang magdadala sa akin sa dakong paghihigan sa gabi. pero siyempre pa, may mga bagay na pumigil sa akin mula sa paninirahan sa dorm, malayo sa tahanan, sa loob ng lahat ng walong taong iyon.

sa mabilis na daloy ng buhay, kung saan bawat bulong at pangungusap ay may kumakampay na mga pakpak at bawat tuldok at anino ay naglalayag, unti-unting inaanod ng pang-araw-araw na mga gawain ang buhay at pagkatao. inuubos ng pagod ang lakas. binibingi ng balita ang tainga. at nilulunod ang mata ng mga bagay na bago at kakaiba. napakabilis ng prosesong ito anupat bawat araw, hindi man natin namamalayan, nagbabago ang ating kaloob-loobang pagkatao -- sa positibo man o negatibong paraan.

kaya iba pa rin ang meron kang homebase, meron kang paghuhulugan ng angkla pagkatapos ng malayong paglalayag. o, parang computer, meron kang system restore. kapag na-saturate na ng mundo ang utak mo ng lahat ng kaabalahan nito, ibabalik ka ng tahanan sa kung saan ka man dapat masumpungan -- kung saan ka dapat naroroon.

oo, ng tahanan. yun lang actually ang bubuod sa dahilan kung bakit walong taon na akong nagtitiyaga sa pag-uuwian. bibigyan ako ng dorm ng BAHAY, pero hindi ng TAHANAN.

lumilipad ako sa alapaap, lumalaban sa panulat, sinasabayan ang pag-ikot ng mundo. pero gaano man kalayo ang narating, gaano man katagumpay sa digma, at gaano man kalayo ang itinalsik mula sa mukha ng globo, hinihigop pa rin ako ng init at kapayapaan ng tahanan. at habang taglay ko pa ang pagkakataon na gawin ito, hindi ko ito pakakawalan.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...