Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga naiisip kapag tinatrangkaso

nakalugmok ako ngayon sa aking office chair sa bahay, nakaharap sa laptop, umiikot ang paningin habang sinusubukang maging produktibo. sa pagkaubos ng load at sa hassle ng pagtngo sa tindahan para magpaload, ang maliit na modem ng smart bro ang nagsisilbing siyang tanging paraan ng pakikipag-usap ko sa mundo sa labas.

hindi ko iniinda ang sakit ng katawan at init ng lagnat dahil sa kakaibang pakiramdam na idinudulot ng pagkakataon. matagal-tagal na rin mula nang huli kong maranasan ang ganitong uri ng kalagayan. ito ang buhay na itinuturing kong simple, malayo sa komplikasyon na dala ng modernong mundo.

naaalala ko, gaya ito noong bata pa ako. nakakahingal ang umaga, sa pagmamadali para makahabol sa paaralan. bigla naman itong magbabagong-anyo at magiging nakakainip kapag nasa loob na ng silid-aralan. subalit magbabago ang lahat pagdating ng maligayang hapon. may kakaibang panghalina ang kulay-gintong liwanag ng hapon. may kurot sa puso kapag bumabalik ang alaala ng kabataan, ng mga kalaro, ng mahimbing na pagtulog sa "tanghali" o ang pagtakas dito, ng maluwalhating tanawin mula sa tuktok ng punong mangga o kasoy, ng sakit sa puwit kapag nagpapadausdos pababa ng mga dalisdis ngbundok tungo sa maliit na sapa sa ibaba. unti-unting inaagaw ng gabi ang liwanag, ngunit ibinibigay naman nito ang kinakailangang pahinga para muling ulitin ang proseso; isa na namang araw sa buhay ni Rene C. Batac.

pero nagbago ang lahat. maaaring dahil sa panahon. unti-unti ay pinabilis ng modernisasyon ang bawat araw. ang paghahanap na tawag ng mga kalaro ay napalitan ng SMS mula sa kasamahan o email ng trabaho. wala na ang mga bundok at marumi na ang mga sapa. pinalitan na ang mangga ng Baron super antenna sa bubong. ni hindi ko na nga nakikita ang gintong hapon sa pagkakakulong sa kwartong iniilawan ng puting fluorescent.

o marahil, dahil din sa pagkakataon. ang pagtanda ay nagbibigay ng karagdagang responsibilidad. pero hindi naman dumarami ang panahon. sa pag-abot sa mga tunguhin at pagtupad sa mga responsibilidad, ubos na ang panahon na dati'y nauukol lamang sa "simpleng" buhay.

kaya anumang maliit na sandali ang ibigay sa akin para muling lasapin ang isang buhay ng pahinga at kawalang-ginagawa, sinasamantala ko na. kahit pa ang mga pagkakataong ito'y tulad ng ngayon, kung kailan may trangkaso ako.

binunot ko ang smart bro sa usb plug. pagkakataon ko na ito para sarilinin muna ang mundo. ikakandado ko muna ang pinto, at hindi tutugon sa mga kakatok. kahit man lang isang araw.

Mga Komento

  1. hay, naalala ko din ang mga hapon nung kabataan.. ung ppalubog na araw.. oo nga.. mis ko na rin.. haay sarap mging bata kung pede lng bumalik.. namis ko mga blog mong gn2 Kuya Rene.hehe :)

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...