Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga naiisip kapag tinatrangkaso

nakalugmok ako ngayon sa aking office chair sa bahay, nakaharap sa laptop, umiikot ang paningin habang sinusubukang maging produktibo. sa pagkaubos ng load at sa hassle ng pagtngo sa tindahan para magpaload, ang maliit na modem ng smart bro ang nagsisilbing siyang tanging paraan ng pakikipag-usap ko sa mundo sa labas.

hindi ko iniinda ang sakit ng katawan at init ng lagnat dahil sa kakaibang pakiramdam na idinudulot ng pagkakataon. matagal-tagal na rin mula nang huli kong maranasan ang ganitong uri ng kalagayan. ito ang buhay na itinuturing kong simple, malayo sa komplikasyon na dala ng modernong mundo.

naaalala ko, gaya ito noong bata pa ako. nakakahingal ang umaga, sa pagmamadali para makahabol sa paaralan. bigla naman itong magbabagong-anyo at magiging nakakainip kapag nasa loob na ng silid-aralan. subalit magbabago ang lahat pagdating ng maligayang hapon. may kakaibang panghalina ang kulay-gintong liwanag ng hapon. may kurot sa puso kapag bumabalik ang alaala ng kabataan, ng mga kalaro, ng mahimbing na pagtulog sa "tanghali" o ang pagtakas dito, ng maluwalhating tanawin mula sa tuktok ng punong mangga o kasoy, ng sakit sa puwit kapag nagpapadausdos pababa ng mga dalisdis ngbundok tungo sa maliit na sapa sa ibaba. unti-unting inaagaw ng gabi ang liwanag, ngunit ibinibigay naman nito ang kinakailangang pahinga para muling ulitin ang proseso; isa na namang araw sa buhay ni Rene C. Batac.

pero nagbago ang lahat. maaaring dahil sa panahon. unti-unti ay pinabilis ng modernisasyon ang bawat araw. ang paghahanap na tawag ng mga kalaro ay napalitan ng SMS mula sa kasamahan o email ng trabaho. wala na ang mga bundok at marumi na ang mga sapa. pinalitan na ang mangga ng Baron super antenna sa bubong. ni hindi ko na nga nakikita ang gintong hapon sa pagkakakulong sa kwartong iniilawan ng puting fluorescent.

o marahil, dahil din sa pagkakataon. ang pagtanda ay nagbibigay ng karagdagang responsibilidad. pero hindi naman dumarami ang panahon. sa pag-abot sa mga tunguhin at pagtupad sa mga responsibilidad, ubos na ang panahon na dati'y nauukol lamang sa "simpleng" buhay.

kaya anumang maliit na sandali ang ibigay sa akin para muling lasapin ang isang buhay ng pahinga at kawalang-ginagawa, sinasamantala ko na. kahit pa ang mga pagkakataong ito'y tulad ng ngayon, kung kailan may trangkaso ako.

binunot ko ang smart bro sa usb plug. pagkakataon ko na ito para sarilinin muna ang mundo. ikakandado ko muna ang pinto, at hindi tutugon sa mga kakatok. kahit man lang isang araw.

Mga Komento

  1. hay, naalala ko din ang mga hapon nung kabataan.. ung ppalubog na araw.. oo nga.. mis ko na rin.. haay sarap mging bata kung pede lng bumalik.. namis ko mga blog mong gn2 Kuya Rene.hehe :)

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...