tungkol sa mga bato sa tabing-dagat

Sa pamamasyal namin sa Agno, Pangasinan, naglakad-lakad ako sa tabi ng maalong dagat. 

Tumambad sa akin ang isang bahagi ng dalampasigan na punung-puno ng mga bato. Mga pebbles yata ang tawag dito sa Ingles. Ang mga bato, na mula sa pagkaliliit hanggang sa ilang mga sentimetro ang haba, ay makikinis, makukulay, at may iba't-ibang hugis. Sa sobrang ganda nila, ang mag-ina ko ay namulot at nag-uwi ng isang balde nila. 



Lumusong ako ngayon sa maalong dagat. 

Sa gitna ng daluyong, may isang rehiyon kung saan mabato ang naaapakan ko. Dito umaalimbukay ang paparating at ang papalayong mga alon. Gamit ang goggles, sinisid ko ang ilalim, at hayun! Doon pala sila makikita. Ang mga bato, mga pebble, di hamak na mas marami kaysa sa mga napadpad sa pampang. Sa bawat pagsalunga, sila ay natatangay at inihahampas ng alon pababa. Sa bawat araw, hindi humihinto ang mga alon sa paghataw sa kanila, anupat kumikiskis sila sa bawat isa. Kaya pala sila makikinis. Kaya pala sila magaganda. 



Sa pag-uwi, habang nagmamaneho ay napag-isipan ko ang halimbawang ito. 

Tayong lahat ay mga pebble, mabibigat na mga batong araw-araw na ipinaghahampasan magkabi-kabila ng mga hamon at pagsubok ng buhay. Ang mga daluyong na ito, gaya rin ng literal na alon, ay kaya tayong dalhin paitaas para lamang muling ibagsak sa lupa. 

Pero ang mga puwersang ito rin ang humuhubog sa atin. Pinalalabas nito ang pinakamagaganda nating kulay at pinalilitaw ang pinakamahuhusay nating katangian. 



Kaya, tamang-tama, pagkatapos ng mahabang bakasyon, pinaalalahanan ko ang sarili ko.

Salungain ang malalaking mga alon ng buhay sa araw-araw. Ituring ang mga pagsubok na mga pagkakataon para maging mas mabuting bersiyon ng sarili. ●

Mga Komento

Kilalang Mga Post