tungkol sa kawayan at sa niyog

Dumaan na sila sa ilang maraming mga tag-init at mabagyong panahon nang magkasama. Magkababata sila halos; nauna lang siguro nang ilang taon ang Niyog. Pero mas matangkad at payat na si Kawayan noong bagong tanim pa lang siya, di tulad ni Niyog na medyo mabilog nang umpisa at dahan-dahan na lang nagkalaman nang bandang huli. 


Si Niyog ay tumayog nang tumayog; sa paglaki niya ay napagtiisan niya ang pagsibak ng kanilang May-ari sa kaniyang mga tagiliran para gumawa ng akyatan. Makailang ulit na rin siyang nagbunga, na madalas din namang pinipitas ng may-ari. Ibang istorya pa ang tuba. Si Kawayan naman, lumago na ang mga bagong sibol, na pumalibot na sa kanya. Ito naman ang hinahawan ng may-ari sa pana-panahon, kasama na ang kaniyang nagsala-salabid na mga sanga. 

Isang araw, matapos malasing sa kasaganaan ng liwanag ng araw at hangin, nagkausap sila. 

“Hindi rin kita minsan maintindihan, pare,” anang Niyog, habang marahan pang kumakampay ang mga dahon sa mahinang ihip ng hangin. “Hindi ka bumulas katulad ko. Nagparami ka ng mga sibol mo sa halip na magpalaki ng katawan. Aba, ni hindi nga buo ang katawan mo, hindi ba? Puro hangin ang laman mo kung tutuusin! Hindi tulad ko na talagang siksik. Kinailangan pa ng May-ari na tabasan ang tagiliran ko para maakyatan!” 

Tumawa na lang si Kawayan. “Alam mo naman. Genetics. Minana sa ninuno. Ibinigay ng Maykapal.” 

Nagpatuloy lang si Niyog, hindi pinapansin ang paliwanag ng kasama. "Nang tumangkad ka, lagi ka namang nakayuko!"

"Nag-iingat lang," pakli ni Kawayan.

Dumaan pa ang ilang  mga buwan at dumaan ang pinakamalakas na bagyong naranasan sa lugar na iyon. Bumugso ang ulan at hangin, at umapaw ang katabing ilog. Tumakas pa nga ang May-ari sa mataas na lugar.

Dahil sa daluyong ng tubig sa ibaba, nagkadikit-dikit ang mga suhay ni Kawayan, na lalo pang nagpatatag sa kanya. Nasalo pa nga niya ang mga basura at kalat na tinangay ng agos. Samantala, umuguy-ugoy ang mataas niyang katawan at mga dahon sa pagsabay sa bugso ng hangin.

Samantala, si Niyog ay nabalisa sa lakas ng pag-ihip ng hangin. Matigas ang katawan niya, kaya hindi siya makayuko at makasabay sa paiba-ibang direksiyon nito. Ang pagdaluyong ng tubig sa ilalim ay unti-unti ring pinalilitaw ang mabababaw niyang ugat.

Mayamaya pa, tuluyan nang bumigay si Niyog sa magkasabay na pagbayo ng hangin at baha.

Aanurin pa sana siya ng tubig, pero sinalo siya ni Kawayan.

Mga Komento

Kilalang Mga Post