tungkol sa biglang pagkawala



Minsan, may mga nakikita tayong indikasyon na posibleng hindi na maging maganda ang kalalabasan kapag ipinagpatuloy pa natin ang pakikipag-ugnayan natin sa isang tao.  Madalas na ang nakikita natin ay ang posibleng negatibong epekto sa kanya ng patuloy na pananatili natin sa buhay niya. 

Baka naiisip natin na hindi tayo karapat-dapat sa kanya. O ang pananatili natin ay magdudulot ng pighati at pasakit sa kanya. O na baka mapagod siya, baka mapuno na lang din siya sa bandang huli. 

Kaya kung minsan, bigla na lang tayong nawawala. Iniisip natin na ito ang pinakamabuti sa kaugnayan natin sa kanya. Iniisip natin na ito ang pinakamabuti sa kanya

Pero ang totoo, mali ito. 

Pagdating sa ganitong mga bagay, dapat nating tandaan na ang taong iyon ay – pag-uulit bilang pagdiriin – isang tao, na may kakayahang mag-isip at magpasiya. Ang pag-iisip na ang biglang pagkawala ang pinakamabuting gawin para sa kanya, ay mag-aalis sa taong iyon ng dignidad na makapagpasiya man lamang.  Kaya kahit pa mabuti ang intensiyon natin, hindi natin dapat bigla na lang ipasiya na mawala sa buhay ng ibang tao. 

Isa pa, tandaan na ang pananaw natin ay hindi naman natin matitiyak na siya ring nakikita ng taong iyon. Halimbawa, kung iniisip natin na hindi tayo karapat-dapat: Gayon ba talaga ang iniisip niya? Paano natin nasigurado? O kung ang pananatili natin ay magpapahirap sa kaniya: Talaga nga kayang gayon? Kung gayon nga talaga, hindi ba siya handang maghirap, na anupat mas magagalak pa siya sa gayon kaysa mawala ka? Kumusta naman kung iniisip nating napapagod na siya: Hindi kaya ang pagod ay nangangailangan lang ng pahinga? 

Sa halip na biglang mawala, hindi kaya magandang makipag-usap man lamang sa taong iyon, at pakinggan kung ano ang masasabi niya? Tandaan na maging ang mga kriminal na nahuhuli sa akto ay binibigyan ng isang pantanging karapatan: ang pagdinig. Sa halip na biglang mawala, huminto, makipag-usap, at makinig. 

Sapagkat kung bigla na lang tayong magpapasiya sa ating sarili batay sa kung ano ang pananaw natin na pinakamabuti para sa iba, ang totoo, hindi tayo nagiging mabuti sa kaniya. Tinatanggalan natin siya, kahit man lang ng pagkakataon na makapagpasiya para sa kaniyang sarili. Ninanakawan natin siya ng dignidad, at ng pakikipag-ugnayan sa atin, nang wala man lang siyang magawa. 

Mga Komento

Kilalang Mga Post