tungkol sa tahimik na pagbabantay

“Okay ka na?”

Ako na lang ang nagsalita dahil kanina ka pa tahimik. Damang-dama ko ang kaba sa dibdib mo, kahit pa hindi ka nagsasalita.

“Wag na lang kaya?” Natatawa ka man, parang nangingilid na ang luha sa mata mo. 

Tumawa na lang din ako. “Hindi, uy.” At, bagamat ilang ulit mo na itong narinig, idinagdag ko: “Kaya mo yan!” 

Bantulot, tumayo ka na, nagbihis ng isang pilit na ngiti, at tumango. Ngumiti ako at nauna nang maglakad patungo sa naghihintay na kotse sa ibaba. 




Pagdating natin doon, bagong hamon ang naghihintay. Paparoon ka sa gitna ng isang dagat ng mga estranghero, na may mga mapanlinlang na ngiti at mga titig na waring manlalamon. Tumatanaw sa labas mula sa bukas na bintana ng kotse, muli kang napabuntong-hininga. “Totoo ba?!” 

Hinagod ko ang balikat mo, para maibsan kahit kaunti ang pagkabahala mo. “Ito na yun!” At, bagamat ilang ulit mo na itong narinig, idinagdag ko: “Kaya mo yan!” 

Bumaba ka na pagkatapos. Kitang-kita ko pa kung paano ka huminto para sipatin ang itsura mo. Bagamat nakatalikod ka ay pansin na pansin ko ang maganda mo hubog. Sana ay lagi kang ngumiti, dahil iyon na lang ang kulang sa maganda mong mukha. 

Maya-maya pa, pumasok ka na sa pinto. Naiisip ko na kung ano ang posibleng nangyari. Tiyak na hindi naman iyon malala, gaya ng iniisip mo. Pero sa aking pag-iisa at tahimik na paghihintay sa sasakyan, ipinapanalangin ko pa rin na sana ay maging pinakamabuti ang lahat ng bagay. At may tiwala naman ako sa iyo. 


Hindi ko na mabilang ang mga oras ng paghihintay sa labas. “Sana po maging okay... sana...” paulit-ulit kong panalangin. “Kaya mo yan...” naibulong ko na lang sa aking pag-iisa. 

Mga ilang sandali pa, natanggap ko ang isang mensahe. “Okay na. Uwi ka na.” 

Gusto ko mang hintayin ka, nag-start na ako ng kotse, at dahan-dahan bumuwelta sa parking lot palabas sa walang-lamang mga kalsada sa labas. Kilala kita; tiyak na mag-aaway lang tayo kung ipipilit kong sunduin ka, dahil sasabihin mong nakakahiya sa mga makakasama mo. 

Sinambit ko na lang ang isang tahimik na panalangin na sana ay maging ligtas ka. Kaya mo naman yun: ang sarili mo, ang ligtas na pag-uwi. 

Hanggang doon na lang ako. Ang tahimik kong pagbabantay. ■ 

Mga Komento

Kilalang Mga Post