tungkol sa ganda ng ulan
Kung kailan maulan, saka naman kami namalengke. Habang ang mga tao ay nagpapahinga sa bahay at sinasamantala ang malamig na panahon, kami naman ay sumusuong sa daluyong at buhos ng tubig.
At sa Marikina pa talaga. Sa lambak na isa sa pinakakritikal na bahain dahil sa ilog nito.
Gaya ng inaasahan, maluwag ang daloy ng trapiko, at halos puro malalaking truck ang sinasabayan ng maliit naming Wigo. Wala pa namang malalim na baha, pero todo kayod ang mga wiper ko sa harap at likod para makita ang kalsada. Higit sa lahat, walang masyadong tao sa mga establisamento.
Kaya naman napagpasiyahan naming doon na kumain, sa halip na magluto pa sa bahay. Pagkatapos ng pamamalengke, inihatid ko muna ang pamilya sa loob ng mall bago mag-isang tumungo sa open parking.
Nang patayin ko ang makina, at tumigil sa paggalaw ang wiper ko, nangibabaw ang pagbagsak ng malalaking patak ng ulan sa windshield. Gaya ng mga effect sa Photoshop, inihalo nito ang mga kulay mula sa mga ilaw ng kanugnog na gusali at poste. Kasabay pa nito ang tunog na ginagawa ng bawat nagmamadaling patak na bumabagsak sa metal na bubong at sa salamin sa harap.
Doon ko kinuha ang larawan sa itaas.
Oo, kahit pa sa isang napaka-hassle na panahon at pagkakataon, makakakita ka ng isang bagay na pwede mong mapahalagahan, kung magbibigay-pansin ka lamang at hihinto.
Alam ko kung ano ang mararanasan ko paglabas ko ng kotse: basang ulo mula sa buhos ng ulan, basang sapatos mula sa baha, at basang katawan mula sa talsik na gawa ng nga sasakyan habang patawid ako pabalik sa mall. Pero di bale na. Mahirap man at hindi maalwan, sadyang may ganda pa rin ang ulan.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento