Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-akyat ninyo sa bundok

“I will say the only words I know that you’ll understand…”

Nagsimula kayong lahat sa istasyon sa paanan ng bundok.

Hindi pa kayo magkakakilala noong una. May pailan-ilan na magkakasama, nagkakilala na sa naunang mga hike. May mga pamilyar na mukha; sikat na sila sa pagkubkob sa mas matatayog pang bundok. Ikaw, at ang mga katabi mo, ay nagpalitan lang ng mga ngiti at tango; gaya mo, waring mga nag-iisa lang din sila sa akyat na ito.

*****

May orientation daw, at maya-maya pa ay pumagitna sa inyong umpukan ang isang lalaking di mo inakalang siya na palang inatasang magbigay ng paalala. Sa pakiwari mo, hindi naman siya nagbibigay ng mga bagay na hindi mo pa noon alam. Baka nga hindi naman siya natuto sa pormal na paraan; siguro ay isa lang siyang residente na paakyat-akyat din sa bundok na ito sa pana-panahon.

Kung sabagay. Wala namang masama na makinig pa rin.

*****

Hayun, nagsimula na rin ang totoong pag-akyat.

Dahan-dahan kang sumabay sa agos ng mga turista at guides na tumatahak sa medyo maputik na mga daan patungo sa mga susunod na istasyon. Aba, magkakalapit pa rin pala kayo ng mga katabi mo kanina; nauuna lang sila nang kaunti. May kung anong puwersang nagpapangyari sa iyong umayon sa daluyong na iyon. Pagkasabik kaya? Kawalang-kasiguraduhan, marahil? O baka naman kaya takot?

*****

Hindi pa natatagalan, sa lugar na hindi pa naman masyadong matarik, nangyari ang bangungot na iyong iniiwasan.

Abala sa pag-iisip sa kung ano mang bagay iyon na bumabagabag sa iyo, nadupilas ka sa isang madulas na bahagi ng daan. Tumimbuwang ka, dumausdos, gumulong pa nga dahil sa mabigat mong gamit. Punung-puno ka ng damo at putik nang lapitan ka ng mga kasabayan mo. “Okay ka lang?” naitanong nila, nakatingin pa rin sa iyong pagkakalugmok. Sumagot kang ayos ka lang naman, may mga kaunting gasgas pero hindi naman masakit ang katawan. Kahit pa ang totoo, namimilipit ka na sa sakit; parang napilayan ka yata. Hindi pa rin alam ang gagawin, sinabihan ka na lang nilang tumayo, hinihintay na makahabol pa kayo doon sa mga nauna na. Hindi ka man nila tinulungang bumangon, sa loob-loob mo'y nagpapasalamat ka na rin; kahit papaano'y may makakasabay ka.

At talagang sinabayan mo na nga lang sila.

Habang daan, naging tampulan ka na lang ng mga biruan. Iniisip mong ganoon talaga; malas lang talaga na nadulas ka. Wala na ang kaba sa dibdib nila noong mahulog ka; hindi na sila nag-aalala. Okay ka naman, ang sabi mo, hindi ba? Kaya hayun: bawat kibot, mapapansin nila ang bawat mong hakbang, kasunod ang isang malakas na tawanan tuwing maipapaalala ang nangyari. At ikaw, hinahayaan mo nang tawanan ka nila; nakikitawa ka pa nga madalas.

Okay lang, ang naisip mo. Kahit papano, may kasama ka naman.

Bandang huli pa, hinayaan mo nang kontrolin nila ang iyong buong lakad. ‘Huwag ka diyan; delikado para sa iyo.’ ‘Bagalan natin; hindi na yata niya kaya.’ ‘Huwag mo na kasing gawin iyan; baka mahulog ka na naman.’ Matapos ang isang nakakahiyang eksenang katulad ng nangyari sa iyo, ang mga salitang ito ay gaya ng mapagkalingang mga paalaala. Hindi mo sila kilala, pero para mo na rin silang mga kaibigan.

*****

Pagdating sa unang istasyon sa bundok, naglatag ka ng tent, iniisip pa rin ang kinalabasan ng buong maghapon.

Kasalanan ba talaga ang mahulog? Hindi mo naman iyon sinadya.

Tumulong ba sila nang mahulog ka? Ang totoo, nandoon lang naman sila, nakatingin at naiinip habang nakalugmok ka.

Nakakatawa ba talaga ang maaksidente? Siguro, sa umpisa. Darating ang panahon na titigil na ito sa pagiging katawa-tawa.

Hindi mo ba talaga kaya ang mga “mahihirap” na daan? Ang totoo, mas mahihirap na trail pa nga ang naranasan mo noon.

*****

Kailangan mo ba talaga sila?

*****

Kinabukasan, bago pa dumungaw ang araw, nagbalot ka na ng mga gamit at naghanda ng makakain.

Excited ka na sa araw na ito. Panibagong araw, panibagong pagkakataon. Nagliligpit ka ng tent nang mamataan ka ng isa sa mga kasamahan mo mula nang kahapon. Binibiro ka: mabuti raw at hindi gumulong ang tent mo pababa noong gabi. Ngumiti ka na lang, umiiling. Kinamusta rin naman niya ang kalagayan mo, na magalang mo rin namang sinagot na gaya lang din ng kahapon: okay ka lang naman.

Kung sabagay, hindi naman talaga madaling mabura sa isip nila ang nangyaring iyon. Baka nga hindi na.

Ang totoo, hindi ka na umaasa. Sa pananaw ng mga taong ito, ikaw na si Babaeng-Gumulong-Sa-Hindi-Matarik-Na-Parte. Malinis na ang suot mo, pero nakikita pa rin nila ang mga putik at mga damo. Hindi na mahapdi ang mga gasgas mo, pero wasak pa rin ang pananaw nila sa iyo. Kaya mo na ang sarili mo, pero iniisip nilang kailangan mo pa rin ng paggabay nila.

*****

Kaya hindi mo na lang sila inintindi.

Mabilis at maliksi kang tumahak sa mas matatarik pa na daan. Nariyan pa rin ang mga kantiyawan nila, pero hindi mo na lang pinapansin. Mas sigurado ka na sa bawat hakbang; akalain mong nauunahan mo na sila.

Sila naman, patuloy pa rin sa paghahanap ng mga pagkakataon na “makatulong” sa iyo.

Tumatawa pa rin sila sa bawat maliliit mong pagkadulas, nagbibigay ng paalala na mag-ingat. Pinapaiwas ka pa rin nila sa mga matatarik at mababatong dalisdis, pero hindi mo naman alintana. Bandang huli, naiinis na sila dahil napag-iiwanan mo na sila.

*****

Pagtagal-tagal, hayun at natatanaw na ang tuktok.

Nagmadali na sila, inunahan ka.

Ikaw naman, tahimik na ninamnam ang huling natitirang mga hakbang patungo sa bahaging iyon.

Sa pagbabalik-tanaw, ang paggulong sa putik ay may idinulot din palang maganda. Mas matamis ang pagkanaroroon sa tugatog matapos malugmok at bumangon.

Mga Komento

  1. Wow. Ang ganda ng pagkakaexpress mo ama in metaphor(?)! haha :)
    Bahala na sila :))

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.