Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa halaga

Ang salitang Filipino na “halaga” ay namamangka sa dalawang ilog ng pagiging quantitative at qualitative.

Isa sa una nating maiisip kapag sinabi ang salitang ito ay ang katumbas na salapi na pampalit sa isang produkto o serbisyo: presyo. Sa diwang ito, ang salita ay nagiging quantitative, may takdang bilang.

Pero kapag iniugnay sa isang tao, pagkakataon, o damdamin, nagsisimula nang lumabas ang pagka-qualitative ng salita. Ang halaga ay tumutukoy rin doon sa di-nasusukat na importansiya na ibinibigay natin sa ibang tao, mga pag-aari, o iba pang bagay na hindi naman napepresyuhan.

Nakalulungkot, ang qualitative na diwang ito ay madalas na batay sa pansariling mga bias na kung minsan ay malayo sa katotohanan. Bilang mga tao, madalas na naaapektuhan tayo ng kung ano lang ang nakikita natin sa pagbibigay ng halaga sa iba, mapa-bagay man o tao. Ang masakit dito, kapag tao na ang pinag-uusapan, hindi madaling makita ang kabuuan ng pagkatao, kaya may mga taong hindi natin napapahalagahan dahil hindi natin alam kung ano ang nilalaman ng kanilang puso, ang kanilang mga pinagmulan at paniniwala, at maging ang kanilang kapasidad.

Isang bagay ang tiyak: lahat ng tao ay may halaga.

Sinisikap ko ngayon na ibigay ang pagpapahalagang ito sa iba, lalo pa sa mga estudyante ko. Kahit pa wala silang matikas na bikas o mala-artistang panlabas na anyo. Kahit pa sa wari ay wala pa silang napapatunayan sa mundo. Kahit pa nga, kung minsan, maging sila mismo ay kulang o wala talagang pagpapahalaga sa kanilang sarili.

Habang pinagmamasdan ko kung paanong sila ay umusbong, una ay sa pagpapahalaga sa kanilang sarili, at pagkatapos ay sa pagpapahalaga rin nila sa iba (at pagpapahalaga sa kanila ng iba), masasabi kong sulit naman ang lahat ng aking pagsisikap.

Ang qualitative na kahulugan ng halaga ay mapandaya. Pero kapag ibinigay ito sa mga karapat-dapat -- ibig sabihin, sa LAHAT -- wala itong katumbas na halaga.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.