Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa bagong faculty room

ito ay isang kapana-panabik na panahon para sa NIP: unti-unti nang natatapos ang buong bulwagan, at naging posible na ang maraming bagay na hindi naranasan ng mga nauna sa amin. kabilang na rito ang pagkakaroon ng sariling faculty room.




may isang taon din akong naglagi sa junior faculty room sa ground floor, ang opisinang animo'y isang call center sa disenyo ng mga cubicles (bukod pa sa madalas na magdamagang pagtatrabaho ng mga okupante rito). nasanay na rin pala ako sa ingay: mga nagpapayabangang mga guro, mga nagkukulitang magkaibigan sa likuran, mga ingay ng estudyante mula sa labas na nasasagap ng intercom. mga panahon iyon kung saan tatayo ka lang kung napapagod ka na, magyayayang kumain sa kapitbahay na nasa harap at gilid.

pero ngayon, iba na. nasa sarili na akong kwarto, na mailalarawan sa tatlong magkakaugnay na parirala: (1) malawak na espasyo; (2) maraming aparador; at (3) matahimik anumang oras. ang huli ay kapuwa isang pagpapala at sumpa: natatapos ko ang mga trabaho ko sa isang tahimik na kapaligiran, pero kailangan pa ngayong mag-text at mag-chat para lamang makapagyaya. ok din pala ang walang ingay, pero nakakamiss din pala ang ingay.


kung sabagay, hindi naman laging nakalulumbay rito sa maliit kong sulok.


ang faculty room ay sagisag na kailangan na ngayong makapagsarili at makatayo sa sariling paa, sa pagtuturo at sa pagsasaliksik. pero sa pagiging independent mas lumilinaw ang pangangailangang makipag-ugnayan sa iba.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.