tungkol sa pagsasaayos ng mga email

ang inbox ko noon ay isang magulo, maingay na palengke -- mahahanap mo ang lahat ng kailangan mo sa iisang lugar. mga mensaheng bago, bagu-bago, luma, bulok, patapon. masaya na noon ang mga dumarating kong mensahe na mabasa ko sila; marami ang hindi man lamang naranasan ang ganitong pribilehiyo. mapagpasalamat silang lahat dahil hindi ako nagbubura.

nang tumuntong ng libu-libo ang mensahe sa inbox ko, napag-isip-isip ko na kailangan ko nang mag-sort.

nagsimula ako sa paggawa ng mga filter (at pagbabago sa mga lumang filter). pagkatapos ay ang madugong proseso ng isa-isang pagpili sa mga mensahe; pag-check; at paglilipat sa mga folders na dapat nilang kalagyan. mabuti na lamang at karamihan sa mga mensaheng natatanggap ko ay mula sa NIP, kaya sa isang pasada ay dose-dosenang mensahe agad ang naa-archive ko. pero kahit na paulit-ulit, nakakapagod pa rin ang maglipat ng libu-libo.

kung minsan ay mapapahinto sa pailan-ilang mga mensahe na mula sa mga kaibigan at mahal sa buhay. mga madramang mensahe ng pasasalamat, pamamaalam, at paghingi at pagbibigay ng tawad. dito naman napapatagal ang proseso; bukod sa ilang ulit na pagbabasa at pagngiti (pagtawa, kung minsan), hinahanap ko pa ang tugon ko sa gayong mga mensahe. kung wala ay magrereply pa ako, aalalahanin ang nakaraan at magpapasalamat.

ang buhay ay parang pagsasaayos ng email. isang walang katapusang serye ng gawain na karamihan ay iisa lang ang pinanggagalingan at paulit-ulit. nagkakaroon ito ng saysay sa mga ilang sandaling paghinto upang magbigay ng daan sa kadramahan.

Mga Komento

Kilalang Mga Post