tungkol sa aking bakasyon

malaki ang bilog na buwan sa gabi, at maliwanag ang asul na langit sa umaga.

maririnig ang malakas na tahol ng aso ng kapitbahay. maingay ang mga ibon. mapaglaro ang hangin; iniuugoy nito ang matataas na mga damo na nagpapalipad naman ng mapuputing mala-bulak na buto. lumalangitngit ang matatandang kawayan sa likod.

mula sa malayo ay bahagya na lamang kung mahiwatigan ang pag-aalburoto ng galit na mga makina ng mga jeep na pinipilit bunuin ang matarik na mga daan. kung minsan ay may mahihinang bulong na mauulinigan mula sa katabing mga bahay. maliban sa mga ito, wala na yatang ibang bakas ng aktibidad ng tao na mamamalayan.

ito ng eksena mula sa aking bintana. ito ang aking bakasyon.




kapag ang bawat araw ay isang pagmamasid sa alun-alon ng mga kabundukan ng Sierra Madre, kahit ang paggising ay wari bang isa pa ring panaginip. kapag ang lilim ay mula sa akasya o ipil at hindi mula sa mga gusali, ang trabaho ay gaya na rin ng pahinga.

kung kailangan pa ng iba na huminto sa karaniwang gawain at dumayo para malasap ang pahinga, ako nama'y kailangan lang gisingin ng maliwanag na sikat ng araw sa umaga at sumilip mula sa bintana.

Mga Komento

  1. hay onga can't wait to wake up with that same view outside our window.. love you :)

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post