tungkol sa kaiklian ng buhay

matagal din siyang naratay, nalimitahan dahil sa stroke. sa loob ng ilang mga buwan ay nagtulung-tulong ang pamilya niya sa pag-akay at pagbabantay sa kaniya. pero nitong nakaraang linggo, bumigay rin ang kalusugan niya. tuluyan nang nagpaalam ang ama ng isang kaibigan namin ni Steph.

mga ilang linggo pa ang nakalipas, nabalita naman sa UP ang pagkamatay ng dalawa sa mga propesor sa Department of Biology. ang isa ay dahil sa natural na mga kadahilanan; ang isa, mas masaklap ang kinahantungan dahil sa pagkamatay sa mga bala ng militar.

sa pana-panahon, ginugulat tayo ng mga balita ng mga buhay na nawala. kakambal na ng buhay ang kamatayan, at tayo mismo ay hindi nakatitiyak sa kung kailan at kung paano tayo mamamatay. isang bagay ang tiyak: ang kamatayan ay isang masaklap, malungkot na pangyayari, isang bagay na iniiwasan ng lahat.


pero may itinuturo sa atin ang kamatayan. ang kamatayan ang kabaligtaran ng buhay. kaya naman, dapat na ang pananaw natin sa buhay ay kabaligtaran din ng pananaw natin sa kamatayan. kung kinatatakutan natin ang kamatayan, dapat nating mahalin at pahalagahan ang buhay. kung malungkot na bagay ang kamatayan, dapat nating gugulin ang ating buhay nang masaya.

ang pagkaalam na ang kamatayan ay laging nakasabit sa ating leeg ay dapat na magpaalala sa atin na maiksi ang buhay, na limitado ang panahon. kaya habang may panahon pa, makipagpayapaan na sa iba. sabihin na ang dapat sabihin. gawin na ang dapat gawin. ang bagay na ipinagpaliban ay baka nakawin na ng kamatayan.

materyalistiko na ang mundo, at ang iba ay nagpapakahirap para kumita ng pera. ipinagpapaliban muna ang mas mahahalagang bagay: ang pag-ibig, kaibigan, pamilya. ang katuwiran ay na kapag natamo na nila ang malaking kayamanan, mabibili na nila ang lahat para sa kanila.


pero hindi mabibili ng pera ang panahon. hindi masusuhulan ang kamatayan.

Mga Komento

Kilalang Mga Post