tungkol sa mga bagay na nasasabi kapag wala nang masabi

matagal na pala akong hindi nakakapag-paskil ng anuman dito.

ang lakas ng loob kong awayin si Mikki tungkol sa estado ng Multiply site niya, e ako nga ni walang pagbabago sa itsura man lang ng account. mapanira pa ang huli kong ginawa: nag-delete ng dalawang albums ng Eheads na sabi ni Cats ay hindi ko na-upload nang tama.

abala kasi. sobra.

sa daan-daang mga pahina ng papel na tinatanggap ko linggu-linggo bilang guro, hindi na ako makahanap ng panahon para umupo at magkuwento, sa halip ay lagi na lang akong nakatungo at nagtutuwid. bukod pa sa ako mismo ay isang estudyante, nila-Lagrangian ang kung anu-anong nag-a-accelerate na pendulum. pagdating naman sa research, paulit-ulit na animo'y isang LSS sa isipan ko ang mga salitang "We demonstrate using theory and experiment..." at "In conclusion we have reported a robust model of..." Lalo pa't SPP time.

o baka naman hindi.

kung minsan ang pagiging "abala" ay ang pinakamadaling lusot ng mga taong ayaw lang gumawa ng iba pa. gasino ba naman ang ilang sandali ng 24 oras upang magpahingalay at maglaro ng keyboard para sa ilang mga salita. gasino na lang ang maglahad ng tungkol sa mga estudyante kong cute at nagpapacute; guro at classmates na kwela't walang kwenta; at mga research na astig. ang ituring na ang pagsusulat sa blog ay isang pahinga, isang release. pero wala; mas gusto ko pang tumambay kay Manang Owl kasama si Tons at Erika at mag-usap tungkol sa SOC. o mag-Greenwich kasama si Grace at manalangin nang pasasalamat para sa pizza.

siguro wala lang talaga akong maisulat.

na "malalim". na "may sense". marami namang kaganapan, pero walang anumang makabuluhan. araw-araw ay may pasabog, mga  eksklusibo, mga kontrobersiyal, mga da who (o da what o da why o da how). pero hindi ko mahuli. hindi ko maproseso nang maganda. lahat ng interesanteng paksa ay wari bang dumaraan nang napakabilis, sa isang kisapmata'y lipad sa hangin ang istorya at imahinasyon.

kung sabagay.

sa dami ng mga salitang nababasa at naririnig, ang pinakamahalaga ay ang mga kaisipang mula sa pinakakaibuturan. kung minsan ang pinakamahalagang mga sinabi ay ang mga nasasabi kapag wala nang masabi.

Mga Komento

Kilalang Mga Post