Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa paglamig sa baguio at ang lalo pang paglamig sa maynila

sabi nila, mali daw talaga ang timing ng pagpunta namin sa Baguio kamakailan. kung sa Maynila nga raw e napakalamig, sa Baguio pa kaya.

at may punto naman sila. kung ginaw lang ang pag-uusapan ay wala na yatang tatalo sa Baguio, lalo na kapag Enero o Pebrero. nanunuuot sa buto ang lamig ng hangin mula sa bukas na mga bintana ng taxi sa kabila ng tatlong suson ng jackets at sweatshirts. kulang na lang ay magyelo ang luha mula sa napuwing mong mata.

hindi naman nagtagal ang lakad na iyon. matapos ang 24 oras ay muli na kaming lulan ng bus pauwi sa Cubao.






hindi ko akalain na, matapos dumayo pa sa Baguio, sa Maynila ko pa pala mararanasan ang higit na paglamig.




nakailang missed call din siya kanina pa. hindi ko namamalayan dahil pipi ang cellphone ko; ayoko sanang magpaistorbo. matapos ang 30 minuto ay napansin kong nakatatlong message na siya, nagtatanong, nagtataka. nagsusumamo kung pwede ba akong abalahin.

nagreply ako, naiintriga sa mga tanong niya. kesyo may sinabi daw ba si kuwan sa akin. kesyo may kailangan daw akong malaman. isinaisantabi ko ang isang tambak na papeles na dapat iwasto upang magpakuwento. at iyon nga. narinig ko ang (di) inaasahan.

may problema sila.




ilang oras pa ang lumipas bago siya naman ang magtext. papahiga na ako nang mag-alburoto sa pag-vibrate ang cellphone ko. nangumusta muna, siyempre. nagtanong - gaya rin ng nauna sa kanya - kung may nasabi na ang isa. nang sabihin kong wala, bumuhos ang tunay na sanhi. bumulaga ang nakakagulat na dahilan. alam mo na iyon nga, subalit ayaw mong maniwala.

nanlamig siya.




pabagsak kong isinandig ang ulo ko sa unan.

ilarawan sa isip si Da Vinci habang nagmamasid sa pagsunog sa Mona Lisa, o si Michelangelo sa pagguho ng kisame ng Sistine. subukang isipin si Tolentino na nakamasid habang nilalagare ang tanso ng Oblation para ipa-kilo, sabihin nating ng mga bakal boys. nakapanghihinayang. masakit. mahirap tanggapin na ang isang bagay na inarkitekto mo para maitayo, isang obra na sinikap mong idibuho, ay mawawala ng gayon na lamang.

and all because of that stupid falling out of love.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.