Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga sulat

"mapapatawad mo ba ako
o sadyang makakalimutan
ang mga sulat ko sa 'yo..."
Sulat, Moonstar88

dumating ang di-inaasahan isang hapon nang buksan nya ang nakatuping piraso ng papel mula sa kanyang drawer. isang araw na itong nasa kanya, hindi nga lang niya binuksan alinman dahil sa pagka-abala o sadyang pagwawalang-bahala. inakala pa niyang pera ang laman ng nakatiklop na papel. subalit nagkamali siya.

isang maliit na sulat ang bumulaga sa kanya. isang sulat na nilayong humingi ng tawad. sa mga bagay na sinadya at pinagplanuhan. mga bagay na hindi bunga ng pagkabigla o maliit na maling desisyon.

"wag kang magalit sa kanya..." ang mga linyang ito'y parang tabak na itinutusok sa kanyang puso. paano mo mapapatawad ang taksil mong kasintahan na ipinagpalit ka sa taksil mong kaibigan?




wala ako sa gitna ng madramang tagpong iyon. pauwi ako dahil sa iniindang lagnat at sakit ng ulo. tinawagan na lang ako ng isang mapagmalasakit na kaibigan para ibalita ang nangyari. at ilarawan kung gaano karaming luha ang pumatak sa kanyang mga mata.


nag-alala ako, at nakonsensya. wala ako sa tabi ng isang malapit na kaibigan sa gayong mga oras. subalit hindi mo naman mawawari ang panahon at pagkakataon. tiyak na wala ring mabuting maidudulot ang pagkanaroroon ko, kapag nagkataon; sa halip na mag-alaga ay baka ako pa ang maging alagain.

sa sobrang pag-iisip ay nakabisado ko na ang aking litanya. alam ko na ang salita-por-salita na pahayag ko kapag nagkaharap kami. subalit mahirap pa ring sumablay sa ganitong pagkakataon. kaya, naisipan kong isulat na rin lamang ang mga nais kong sabihin. sa ganitong paraan ay makatitiyak akong tama, kompleto, at lohikal ang mga mensaheng nais kong iparating.

subalit sa paghaharap namin ng papel ay hindi ko maitulak ang pluma. sa wari ay napakabilis kong nakalimutan ang lahat-lahat ng nais kong ipabatid...

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.