Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagtatrabaho sa mga kapihan

May panahon mga ilang dekada lang ang nakakaraan kung saan ang kape ay inihahanda lang sa bahay, hindi mahal, at hindi simbolo ng mataas na panlipunang antas. 


Oo, inabot ko iyon. Isang popular na brand ng instant na kape ang binibili ng mga magulang ko, ang isa na nakalagay sa espesyal na baso. Pagkaubos ng mga butil ng kape, hinuhugasan ang lalagyan nito para magamit na pang-inom. Wala pa ring three-in-one noon, at bago pa lang na lumalabas sa merkado ang non-dairy creamer. Kaya noon, magtitimpla ka sa mainit na tubig ng isang kutsarang kape, saka mo lalagyan ito ng gatas (na pulbos din) at asukal. Hindi ko makakalimutan kung paano halos masuka ang nanay ko kapag tinitikman niya ang kape ko, na ang tawag niya ay arnibal dahil sa tamis. 


Samantala, nang mga panahon ding iyon, isang rebolusyon ang pagdaraanan ng kape at ng buong mundo. Sa Seattle, nagsimula ang komersiyalisasyon ng kape. Ibinandila ito bilang isang panlibangang inumin, na mas magandang inumin kasama ng mga kaibigan sa mga kapihan na pinaganda at ginawang komportable. Kumalat ito sa Estados Unidos, at tinangkilik lalo na ng mga propesyunal, na hindi alintana ang napakamahal na halaga ng isang baso nito. Aba, may pelikula pa nga, isang rom-com, na itinatampok ang kapihang ito! 





Bandang huli, ang kulturang ito ay nakarating din sa Pilipinas, mga ilang dekada pagkatapos nitong mamayani sa States. Naaalala ko, bilang isang mahirap na estudyante noon, ang presyo ng kape sa gayong mga establisyamento ay talagang hindi kakayanin ng baon ko. Ang gayong mga kapihan ay naging para lamang sa mga ka-batch ko na medyo nakakaangat sa buhay; siyempre, sa pana-panahon ay napapasama rin ako, lalo kapag libre nila. 


Pero ngayon, araw-araw na tanawin para sa akin ang mga estudyante na may dalang kape, ang mahal na kapeng mula sa iba't-ibang kapihan. Halos lahat na ngayon ay nagkukumahog na palagiang bumili mula sa mga kapihang iyon para magkaroon ng mga tumbler at iba pang merchandise. Sa ngayon, sa halip na magtimpla ng kape sa bahay, nagpapadeliver na lang ang marami. At kung may naghahanda man ng kape sa bahay, marami sa mga kakilala ko (maging ang mga magulang ko) ang naghahanap na ngayon ng mga beans, buo man o dinurog, at naghahanda ng kape gamit ang mga makina na ginagamit din ng mga barista sa mga kapihan sa labas. 



Dumating ang panahon, hindi na lang ang kape mismo ang naging bahagi ng popular na kultura. Wari bang mas naging mas sikat pa nga ang mga kapihan mismo. 


Sino ba naman kasi ang hindi hahanga sa mga lugar na ito? Siyempre, unang-una sa mga Pinoy ang airconditioning; mas gusto nating maglagi sa mga lugar na hindi tayo maliligo sa pawis dahil sa init at halumigmig. Iyan ang unang hatak ng mga kapihan. Idagdag pa ang interiors, na talagang pinaganda at pina-cozy para sa pagsasama-sama. Malambot na mga upuan, malamlam na mga ilaw; may saksakan at wifi connection pa nga! Iyan, habang amuy na amoy ang samyo ng bagong-gawang kape at ininit na mga tinapay at iba pang pagkain. Sulit na sulit nga na maglagi sa mga ito, at hindi na mararamdaman ang sakit sa bulsa mula sa ilang baso ng kape o tsaa na inorder mo. 



Ang totoo, hindi naman ako aficionado ng kape. Sa dami ng mga timpla at lasang iniaalok ng mga kapihang iyon, kadalasan nang ang pinakasimple at pinakamapait lang naman ang iniinom ko. Pero, gaya ng maraming kaedad ko, naakit ako sa ambience ng mga kapihan. Para itong pagtakas sa isang kakaibang mundo. 


Dati, ito ang lugar kung saan nagkikita-kita ang magkakaibigan, lalo na kung may despidida o kaya naman ay bagong balik. Pero ngayon, habang pabilis nang pabilis ang paglawak ng mundo at nasa iba't-ibang kontinente na ang mga kagrupo ko, ang mga kapihan ay naging tambayan para mapag-isa at maging higit na mapanuri. Hindi kakaunting kape ang inubos ko habang sinasagot ang mga review ng mga papel ko, nakasalampak sa mga malalambot na couch ng mga kapihan. Ang pagtatrabaho sa opisina ay naging paulit-ulit na at pangkaraniwan; kaya ang pagtatrabaho sa mga kapihan ay mabuti para sa pagiging seryoso, organisado, at malikhain. 


Siguro nga, ang sikolohiya ng isang kapihan ay higit na sa basta masarap na higop ng mainit na kape, o ang nakakarelaks na mga pasilidad sa loob nito. Ang mga kapihang ito ay kumakatawan na ngayon sa isang ideya ng pagtakas mula sa mga rutin ng buhay. 





Maraming indikasyon na nagpapakitang ang kulturang ito ay nanganganib na mawala o mapalitan. Ngayong umaga lang, nabasa ko sa balita na ang CEO ng kapihang iyon sa Estados Unidos, na binanggit kanina, ay biglaang pinalitan. Ang dahilan? Nalulugi na ang negosyo dahil mas gusto na ng mga tao ng takeout at drive-thru. Dumami rin ang kompetisyon, kapihan man o iba pang mga negosyo ng pagkain at inumin. At, kakatwa, matapos ang ilang dekada, napagtanto na ng mga tao ang pangunahing katotohanan: mahal ang kanilang kape. 


Bagamat nabawasan na rin naman ang paglagi ko sa mga kapihan, umaasa naman akong hindi naman sila lubusang mawala. Dahil nakatitiyak ako na, sa pana-panahon, kakailanganin kong magtrabaho sa mga kapihang ito. Tatakasan ko ang kasalukuyan, at tatakbo sa mga himpilang iyon ng kapayapaan at saya ng kahapon. ■


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...