Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga tagpo habang nakaangkas sa motorsiklo

Malayo ang Maynila, at matrapik ang paglalakbay. Ang dalawang oras na paggapang ng kotse kong manual transmission ay para bang katumbas ng sampung taon. Paglabas ko sa kotse, para bang kailangan ko ng tungkod, mababali ang likod. 

Kaya sinunod ko ang payo ng bayaw ko at nagpahatid (madalas ay sa kaniya rin) sa pamamagitan ng motorsiklo. 

Ang pag-angkas sa motorsiklo ay may kamahalan kumpara sa normal na serbisyo ng transportasyon, pero di hamak na mas mura kumpara sa pagpapahatid sa kotse (na, maisingit ko lang, isang monopolyo). Pero mabilis ito, dahil sa pagsingit-singit sa maliliit na espasyo sa pagitan ng mga sasakyan. Nakakapanibago sa simula ang paghawak at pagbalanse, pero makakasanayan din naman pagtagal. Hantad ka sa mga elemento kapag sumasakay ka sa motorsiklo, pero buong-buo naman, lagpas 180-degree view ang mga tanawin. 



Siyempre, nakakabahala rin ang mga posibleng aksidente. Pero dahil ito na rin ang ikinabubuhay nila, alam na rin naman ito ng mga drayber. Napapakiusapan naman sila. At masaya rin naman silang kausap. 

Hindi siguro ako bibili ng motorsiklo na pansarili; hindi pwede ito kay misis at pakiramdam ko ay hindi rin ako komportable. Pero sa malapit na hinaharap, nakikita kong mas magtitiwala ako sa anyong ito ng pagbibiyahe. Delikado man, pero sa mga sandaling nakaangkas ako sa motorsiklo, wari bang may dala itong maliit na sandali ng kalayaan. • 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...