Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pamamasyal sa bundok at sa dagat

Buong buhay ko, halos nasa kabundukan lang ako nakatira. Mula sa Antipolo, at ngayon ay San Mateo, ang bahay ko ay laging mas mataas kaysa sa kapantayan ng dagat. 

Ang totoo, ang mga lugar na tinirhan ko ay bahagi ng iisang kabundukan ng Sierra Madre. Gaya ng isang malaking dingding, wari bang hinahati nito ang hilagang bahagi ng isla ng Luzon sa silangan at kanluran. 

Pero maparaan ang tao, at gagawan niya ng paraan ang anumang balakid na iniharap sa kaniya. Kaya maging ang masukal na mga kagubatan at mataas na lokasyon ng Sierra Madre ay hindi nakahadlang para makagawa ang mga inhinyero ng isang kalsadang tatagos sa mga bundok at magdurugtong pa rin sa kaliwa at sa kanan, ang kanluraning punong lunsod ng Kamaynilaan at ang silanganing mga baybayin ng Pasipiko. Isa sa mga ito ay ang sikat na daang kilala sa maraming pangalan: ang Marcos Highway (na kapangalan ng daang paakyat sa Baguio), o ang MARILAQUE (Marikina, Laguna, Quezon), o ang Marikina-Infanta Road (pinakadeskriptibo nitong katawagan). 

Malapit kami sa Marikina, kaya pangkaraniwan na lang sa amin ang pinakakanluraning bahagi ng kalsadang ito. Pero naisip kong hindi pa namin natawid ang pinakasilanganing bahagi nito, ang dulo na tatagos sa Infanta. 

Kaya ngayon, walang plano, tinalunton namin ang malalapad na daan ng Marcos Highway, patungo sa direksiyon ng Quezon. 



Dahil na rin sa kalsada, unti-unti nang tumatagos ang urbanisasyon sa dating mga lugar na natatakpan ng mga kagubatan. Sa magkabilang panig ng paliku-likong daan, makikit ang mga komunidad, mga kabahayan, mga kainan, mga resort na pasyalan. Aba, naipit pa nga kami sa trapiko sa ilang pagkakataon! 

Malayu-layong paglalakbay ang kinailangan namin bago marating ang bahagi ng kalsada na masasabing hindi pa halos nagagalaw ng tao (maliban na lang siyempre sa kalsada mismo). Ito, ito ang ipinunta namin. Ang mga bahagi ng kabundukan na natatakpan pa ng berdeng mga kagubatan, na pinapatlangan lang ng mga ilog at talon. 

kagubatan

ilog



Gusto ko pa nga sanang magtampisaw, pero baka mapasma daw ako sa lamig ng tubig. Nasiyahan na lang kami sa pagtingin sa mga taong nagpapalamig sa malinis na mga daloy. 


talon



Hindi pa nagtatagal ay sumapit din kaming muli sa mga matataong lugar, pero sa kabilang bahagi na ng bundok; heto na kami sa probinsiya ng Quezon. Umabot pa nga kami sa karatula na nagmamarka sa dulo ng Marikina-Infanta Road. 

Pero siyempre, yamang narito na rin kami, tumulak pa kami pasilangan hanggang sa hangganan ng isla ng Luzon. Hanggang sa matanaw ang baybayin ng malawak na karagatan ng Pasipiko. 

dagat


Katanghalian na noon, at mabilis nang kakagat ang dilim. Masakit na rin ang likod ko sa pagmamaneho sa paliku-likong matatarik na daan. Higit sa lahat, tinatawag kami ng huni ng hangin na nagmumula sa dalampasigan, at ng tunog ng noo'y papalakas nang mga alon. 

Hindi na rin siguro masamang magpalipas ng gabi. At samantalahin ang dagat ng mga pagod na taong-bundok. ■


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...