Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa Closing Time

Kung babalikan ko ang grad school, ang isang salita na unang papasok sa isip ko ay videoke. Halata naman siguro; ilang beses na rin naman itong nabanggit sa blog na ito (at may entry pa akong tungkol lang dito). Siguro, dahil sa hirap ng sitwasyon, ito ang naging paraan ng malikhaing paglalabas ng niloloob para sa amin ng mga kasamahan ko. 

At kung videoke lang din naman ang pag-uusapan, isang kanta na laging bumabalik sa isipan ang Closing Time ng bandang Semisonic. Ang awiting ito ay laging inilalagay sa machine kapag ilang minuto na lang at kailangan nang umalis. Tamang-tama kasi ang pamagat at ang nilalaman nito: tungkol ito sa isang tao (o grupo ng mga tao) na tila ba pinapaalis na ng tauhan ng isang papasara nang establisyamento. 

Pero kamakailan (oo, dalawampu't tatlong taon matapos lumabas ang kanta at sampung taon pagkatapos ng artikulo — ganyan ako kahuli), nalaman kong ang kanta pala ay tungkol sa pagsilang, tungkol sa pagiging ama ng sumulat nito.  Madalas na iniuugnay ang pagsilang sa paglaya, isang bagong pasimula, ang panimula ng buhay. Pero binaliktad ng awiting ito ang punto-de-vista: ang pagsilang ay naging pag-alis, isang pagtatapos. 

Sanggol
Ang pagsilang ng isang sanggol ay pasimula ng kaniyang pagsasarili, pero pagtatapos naman ng yugto ng proteksiyon ng sinapupunan.


Ang isang sanggol ay nasa isang ligtas na dako sa panahon ng pagbubuntis. Ito rin ang panahon na siya ay pinakamalapit (literal at makasagisag) sa kaniyang ina. Pero magtatapos ito; gagawa ng paraan ang mismong katawan ng kaniyang ina na palabasin siya, gaya ng isang bouncer sa bar sa huling mga parokyano. Ito man ay masakit at napakadelikado. 

Ito ang pasimula ng marami pang pamamaalam at pagtatapos. At ng pagbuo at pagsisimula na kaakibat nito. Si Seneca pala ang unang nagsabi ng matulaing mga linya ng kanta: 

Every new beginning comes from some other beginning's end 

 

Ipinaalala ko ito sa sarili ko, habang dumaraan din ako sa maraming yugto rin ng pagtatapos at pagpapanimula. Masakit man o matagal ang proseso, kailangan talaga itong pagdaanan. 

Hindi man na ako nagkakaroon ng panahon para sa videoke, aawitin ko na lang sa sarili ang Closing Time, magtitiwala na mapapalakas ako nito para sa pagtahak sa isa na namang new beginning habang unti-unting binibitawan ang some other beginning's end. ■ 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...