Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa katahimikang dala ng kuwarantenas


Lalo pang naging kakila-kilabot ang madilim na mga kalyeng paliku-liko sa mga kakahuyan na bumabagtas sa mga kabundukang pauwi sa amin. Nakadagdag sa lagim ang nakabibinging katahimikan. Ni walang kaluskos ng tsinelas o arangkada ng makina na pumapailanlang; aba, kahit ang mga balang at kuliglig ay walang huni! Gaya ng mga eksena sa mga thriller na pelikula, wari bang anumang sandali ay may hahablot sa iyo patungo sa kapahamakan.

Naihatid ko na ang ilang pangangailangan ng kapatid ko. Walang checkpoint ng militar o barangay sa mga kalsada sa pagitan ng mga bahay namin, kaya malaya akong nakalabas kahit tapos na ang curfew. Naka-kuwaratenas ngayon ang lahat, pinuwersa ng pamahalaan na manatili sa mga bahay para hindi mahawa at makahawa ng sakit na Covid-19. Kaya naman anumang bakas ng mga tao at transaksiyon ay matagal nang napawi; hayun, ako at ang kotse ko ang tanging naiwan sa kanto.

Siyempre pa, hindi naman talaga mapapawi ang ingay at gulo; kadikit na yata ito ng lipunan ng tao. Nailipat lang ang lunan, kung tutuusin. Ang mga rally at demonstrasyon na noon ay ginagawa sa lansangan ay mas hayag na ngayon sa malalawak na mga liwasan ng internet, habang ang mga tao, marami ay hindi naman magkakilala at ni minsa'y di pa nagtagpo, ay nagtatagisan ng talas ng pananalita sa social media. Nariyan ang mga galit, ang lakas ng "boses" ay mawawari mo pa sa malalaking mga letra. Nariyan din ang mga palaban mula sa kabilang panig, na, kapag binato ng bato, wika nga, ay hahanap ng, hindi tinapay, kundi mas malaki at mas maraming mga ibabato pabalik. Siyempre, nariyan din ang mga boses ng pagtulong at pagkakawanggawa, na mabuti na lang at nakakahawa at nakakadala rin sa iba.

Papasok na sana ako ng bahay pero nahila ako ng gayong mga "ingay" mula sa mga nababasa ko sa cellphone. Napatigil ako sandali, nakaupo pa rin sa driver's seat, habang dahan-dahang nag-scroll ng mga balita at impormasyon. At gaya ng isang aktuwal na demonstrasyon, nakaaapekto rin ang gayong mga ingay sa internet. Inaagaw nito ang kapayapaan ng isip kuyng minsan.

Mabuti na lang at lumabas na ako. Doon, nahagip ng aking noo ang malamig na ihip ng mahinang hanging Abril. Tumingala ako, at hayun! Buong-buo pa ang kabilugan ng buwan at ang liwanag ng mga butuin na waring mas dumami ngayon nabawasan ang polusyon sa hangin.

Muli kong minasdan ang walang-lamang mga kalye. Hindi, hindi na takot at tensiyon ang dala nito. Sa loob ng matagal na panahon, ngayon ko lang muli naranasan ang tunay na kapayapaan mula sa pamilyar na kapaligiran.  

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...