Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagbibiyahe sa Maynila

Ang Maynila ang pinakamatandang lungsod sa kabisera. Kaya napakaliit na ng pagkakataon para paluwagin ang mga lansangan o baguhin ang mga bloke nito. Dumating na ito sa punto na hindi na nito masasabayan kailanman ang paglago ng bilang ng mga sasakyan sa pagdaan ng panahon.

At ito rin ang nasa pinaka-kanluran. Na pinakamalayo sa isang taong tulad ko na nakatira sa silangan (kakatuwa, ang mismong pangalan ng aming barangay ay: Silangan).

Ano, at saan? Lakad? Pribadong sasakyan? Tren? Motor o van? 


Ang totoo, walang iisang solusyon sa napakasalimuot na problema ng transportasyon sa Maynila. Kadalasan nang nasusumpungan ng mga namamahala ang kanilang sarili na pinaghuhugpung-hugpong ang maliliit na mga pamamaraan, umaasang magdudulot ng pangmalakihang kaginhawahan. Pero madalas na hindi rin naman nagtatagal ang mga bunga nito, kung mayroon man.

Kaya gayon din ang istorya ng pagbibiyahe ko patungong Maynila araw-araw. Nariyang pagsama-samahin ang magkakaibang mga pamamaraan. Una, magmaneho mula sa bahay at pumarada kung saan. Pagkatapos, magmotor patungo sa sakayan ng tren. Sunod, mag-tren. At pagkatapos pa, mag-jeep. Ang totoo, madalas na iba pa ang proseso sa aking pag-uwi, depende sa araw at oras. 


Ang pagbibiyahe sa Maynila ay larawan ng buhay, sa pangkalahatan. Sa patuloy na paglago ng isang tao sa lahat ng aspekto, may mga bagay na hindi nalilinang ayon sa kagustuhan niya, pero hindi na iyon magbabago. Gaya ng mga likaw ng mga kalsadang bumabagtas sa matandang lungsod, ang mga landasin mula sa nagdaang mga panahon ay posibleng magdulot ng mahirap na mga kalagayan sa "paglalakbay" sa kasalukuyan.

Pero hindi na magbabago ang mga iyon. Sa kabilang banda, hindi naman humihinto ang buhay. Kaya ang gayong mga bagay ay hindi na dapat pagsisihan o pagsikapang balikan para mabago. Bahagi na ito ng pagkatao ng isa, na nagpapaging-ganap sa kaniyang pagkakakilanlan.

Diskarte lang. Paunti-unting usad, ika nga. Malayo man ang “destinasyon” at mahirap ang “daan”, nasa tao naman mismo ang “sasakyan” at “paraan” sa paglalakbay. ■

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...