Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa kaliwa at kanang bahagi ng utak

Una kong nalaman ang tungkol sa pagkakaiba ng kaliwa at kanang bahagi ng utak noong hayskul. Gumawa ako noon ng isang lathalain para sa seksiyong pang-agham ng aming pahayagang pang-mag-aaral. Naaalala kong ako mismo ay namangha kung paanong pinaghihiwalay ng utak ang pagpoproseso na wari bang batay sa kategorya. 

Para sa mga kananeteng katulad ko, ang mga bagay na lohikal ay hinahawakan ng kaliwang bahagi ng utak. Ang kaliwang bahagi ng utak ang may kontrol sa kanang kamay, kaya ito ang ginagamit ko sa pagsulat. Ang alam ko, pati ang mga matematikal at teknikal na kaalaman ay napapaloob sa kontrol nito, anupat gumagabay sa isang tao upang maging mahusay at mapamaraan. 

Sa kabilang banda, nariyan naman ang kanang bahagi ng utak na kumokontrol sa emosyon. Narito ang mga damdamin ng saya at lungkot, pagkakontento at pananabik. Ang bahaging ito ng utak ang siya namang humuhubog sa isa upang maging malikhain at madamdamin. 

***** 

Matagal-tagal na rin pala akong hindi nakapagpapaskil ng anuman dito. 

Ang totoo, hindi naman dahil sa kawalang-panahon. Totoo, marami na akong gawain at responsibilidad bilang adulto, malayung-malayo sa estado ko nang una akong magsulat sa birtwal na mga pahinang ito. Pero higit sa lahat, ang nagbago ay ang aking pokus at mga nais na gawin. Mula noong 2012, habang isang postdoc sa Alemanya, pinasimulan ko ang isang blog na batay sa mga pananaliksik ko. Bagaman pribado, at nababasa lamang ng mga estudyante at kasamahan, doon ko naibaling ang aking panahon at pag-iisip. 

Naiwan tuloy itong blog ko sa Filipino. Aba, habang nagsusulat ngayon, nasusumpungan ko ang sarili na nag-iisip sa Ingles at saka isinasalin ito sa naturingang unang wika ko! 

*****

Mabuti na lang, ang mga pangyayari ngayong midyear ang nagpaalala ng mga bagay na hindi ko na napagtutuunan ng pansin. 

Nagsasaliksik pa rin naman ako, sa pangkalahatan. Ang totoo, napakarami kong maipagmamalaki na resulta ng pagpupursigi ko ngayong midyear.

Pero kakaibang mga bagay ang nadaraanan sa pagitan ng mga pukpukang sesyon ng pagpapakadalubhasa. Naroon iyon, sa mga usapan habang nagmamaneho, sa mga asaran sa tanghalian, sa mga huntahan sa gabi. May kakaibang ihip ng hanging dala ang mga tanungan sa loob ng nakaparadang kotse, kahit pa nga sarado ang mga salamin. 

Naipaalala nito ang dating mga panahon kung saan naging malaking bahagi ng buhay ko ang pagsusulat ng mga lathalain at balita. Doon ko naalala ang mga nasa paunang salita. Napag-isip-isip ko ang isang panahon kung kailan mas simple pa ang mundo, kung kailan sa wari ay mas nagagamit ko pa nang pantay ang dalawang bahagi ng utak ko. 

***** 

Hindi, hindi na maibabalik ang panahong iyon. 

May teorya sa pisika na nagsasabing isang direksiyon lang - pasulong - ang oras (at muli, kaliwang bahagi ng utak). 

Pero wala namang hadlang sa muling pagiging malikhain. Pwede namang balikan ang pagsusulat. Sa isang komplikado at nagmamadaling mundo, maaari namang maupo sandali, magmuni-muni, magpatangay sa daluyong ng emosyon at ibuhos ang mga ito sa akda. 

Gaya ngayon. 

***** 

Siyempre naman, hindi pa pulido ang magagawa sa ganitong mga pagkakataon. 

Ang hayskul na ako ay tiyak na mandidiri sa mga isinulat ko ngayon. 

Pero ito ay isang simula. Simula ng isang pagbalik. 

Isa na ginagabayan ng kapwa kaliwa at kanang bahagi ng utak. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...