Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagpulot

Kahapon, sa labas ng Kamia, pumulot ang estudyante ko ng mga nahulog na bulaklak. Nakihingi na rin ako bago bumalik sa opisina. 

Nahulog na ang mga bulaklak na iyon; sa paanuman, hindi na sila kailangan at susuportahan ng halamang kanilang pinanggalingan. Ang totoo, ang halaman ay patuloy na mabubuhay; matagal na itong naroroon bago pa umusbong ang mga bulaklak na iyon. Pero ang mga bulaklak na napulot namin ay unti-unti masisira, dahan-dahang matutuyo, kung hindi man agad-agad na wawalisin at itatapon. 

Hindi ito nangangahulugang hindi sila maganda. Ang totoo, ang bagong-lagas na mga bulaklak na iyon ay talagang kahali-halina sa paningin, kahit pa wala silang amoy. Bihira akong makakita ng gayong kulay. Aba, may bituin pa nga sa gitna kapag sinilip mo ito sa loob! Mga kakaibang hugis at disenyo, mula sa isang bagay na, kung hindi pa kami napadaan doon, ay nakataan lang sa pagkatapon at kabulukan. 

Kaya naman pagbalik ko sa opisina, agad akong kumuha ng isang baso, pinuno ito ng tubig, at inilubog ang kakaunting tangkay ng maliit na bulaklak. Sinunod ang sabi ng aking Biology 11 teacher, na hiwain nang kaunti ang pinakailalim nito habang nakalubog sa tubig. Waring nagbunga naman ang mga pagsisikap ko dahil naabutan kong hindi pa lanta ang bulaklak ngayon pagbalik sa opisina. 



***** 

Ang pagpulot ay nakaugnay sa pagiging mababa. Mas mataas ang tingin natin sa isang bagay na pinitas kaysa sa isa na pinulot. Ang isang bagay na pupulutin ay nasa ibaba, nasa lupa pa nga, baka nga nahulog pa. 

Kahit pa sa makasagisag na kahulugan, ang pagpulot ay kadalasan nang nakahilig sa negatibo. Ano ba ang gagawin natin sa mga aral mula sa isang mapait na karanasan? Aba, pupulutin, hindi ba? Ang sinasabi natin kung minsan tungkol sa isang taong hindi nakapasa sa ating pamantayan? “Sa’n mo ba napulot yan?”

Pero sa kabila ng negatibong konotasyon sa salitang ito, ang totoo, ang pagpulot ay maaaring magdulot ng isang magandang karanasan, isa na hindi inaasahan. Gaya ng mga bulaklak na iyon sa Kamia, ang isang bagay na pupulutin ay maaaring nagtataglay ng kakaibang ganda na hindi napapansin agad o ipinagwawalang-bahala pa nga ng iba. O kaya naman, isipin kung anong tuwa ang mararamdaman mo kung makapulot ka ng pera, kahit pa ng isang maruming piso; magpapasalamat ka pa marahil na hindi iyon nakita ng iba. 

Sa isang magulo at abalang mundo, ang gayong simpleng mga sorpresa kung minsan ang siyang nagdudulot ng mas malaking tuwa, kahit pa panandalian lang. 

***** 


Sa pagpulot, kailangan ng kababaan ng kaisipan. 

Sa literal na pagpulot, halimbawa, kailangan na nakatingin ka sa ibaba, handang makita ang kahit maliit na bagay na umaagaw ng pansin. Sa aktuwal na pagkuha ng bagay na iyon, kailangan mong bumaba, lumuhod pa nga. Baka madumihan pa ang kamay mo sa paggawa ng gayon. 

Pero madalas naman ay sulit naman ang mga pagsisikap na iyon. Kahit pa nga bandang huli ay nalaman mong wala naman palang halaga ang bagay na iyon na tinitingnan mo, nasapatan naman ang iyong pagiging mausisa. 

Pwede rin tayong pumulot sa makasagisag na paraan, at kailangan din ang gayong pagpapakumbaba. 

Sa isang malungkot na pangyayari sa buhay, ang tendensiya ng marami ay magkaroon ng hinanakit; pero ang isang mapagpakumbabang tao ay agad na makauunawa, muling babangon, at matututo - pupulutin ang mga aral. 

Sa pakikitungo sa iba, may mga taong naipagtabuyan at nahulog sa lupa. Hindi agad nagiging malinaw ang kanilang halaga; ang masakit pa rito, kahit sa sarili nila mismo. Pero kung yuyuko tayo, wika nga, at pupulutin ang gayong mga tao, aalamin ang kanilang kalagayan, malamang ay magugulat tayo sa masusumpungan natin. Ang mga taong inuhulog, niyurakan, sinipa-sipa kung saan-saan ang may pinakamalalalim na pinaghuhugutan, may pinakamatinding karanasan, may pinakamahuhusay na katangian. 

*****

Ang bulaklak na napulot namin mula sa Kamia ay malalanta, kahit pa nakababad sa tubig nang ilang araw. Pero isang bagay ang tiyak: muli kaming pupulot mula roon. 

*****

At patuloy pa rin akong pupulot, wika nga. 

Ng mga aral mula sa bawat pagkakamali. 

Ng mga taong hindi halata pero may angking ganda at halaga. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...