Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga bagay na itinuturo sa iyo ng pakikipaghiwalay sa isang tao

Ang pakikipaghiwalay ay bahagi na ng buhay. May katapusan ang lahat ng bagay, at sa pana-panahon ay kinakailangan nating magpaalam sa isang tao, bagay, o maging sa isang ideya na iningatan natin sa puso at isip. Dahil walang paghihiwalay na masaya, gaano man kaganda ang mga kalagayan, napakaraming madadramang mga bagay ang naisulat na at pwede pang maisulat tungkol sa paksang ito.

Pero sa paskil na ito, nais kong magpokus sa mga positibong bagay na pwedeng lumitaw mula sa isang paghihiwalay. Gusto ko ring maging espisipiko: ang paksa nito ay may kinalaman sa pakikipaghiwalay sa isang taong nakaugnay sa isa sa romantikong paraan. Ang mga sumusunod na punto ay ilan lamang sa mga bagay na pwedeng paghugutan ng pag-asa at pagtitiwala sa masakit na yugtong ito ng pakikipaghiwalay.

Ipinapaalala nito ang isang naunang mas matibay mong kalagayan. Ilang taon ka ba nang una mong ibigin ang taong iyon? Wala naman sigurong nagmahal na ng iba mula sa pagkasanggol, hindi ba? Ang totoo, bago mo makilala ang taong iyon, tao ka na, isang taong may sariling pagpapasiya, isang taong may mga sariling libangan at mga bagay na nagpapasaya, isang taong may pananaw at plano sa buhay, isang taong may pag-asa at pangarap. Sa maraming kaso, ang yugto ng pagsasama ay mas maikli kaysa sa mas naunang yugtong iyon ng pagiging kumpleto at kontento habang nag-iisa. Ang panahon ng paghihiwalay ay isang magandang pagkakataon para balikan muli ang yugtong iyon. 

Kalayaan. Ito sana ang mas nauna, pero mas susog ito sa nakaraang punto. Sa bawat relasyon, may naisasakripisyo tayo, isang bahagi ng nakaraan nating pagkatao (tingnan ang naunang punto) na pinipili nating hindi na muna balikan dahil sa nagbagong kalagayan ng pagiging hindi-na-nag-iisa. Mahilig ka sa keso, pero hindi mo na makain dahil lactose-intolerant siya? Aba, bakit hindi mo subukan muli? Mananakbo, pero hindi na magawa kasama ng kasintahang hikain? Pwede, pwedeng-pwede na ulit. May kaugalian at paninindigan bang nakuha mo mula sa iyong pamilya, pero hindi na isinagawa dahil sa pag-ayon sa kinaugalian ng karelasyon? Mababalikan na ito at malilinang. Higit sa lahat, may plano, pangarap, na isinaisantabi muna upang magbigay-daan sa kabilang partido? Iyung-iyo na muli ang oras; bukas na bukas na muli ang pintuan. 

Higit na pokus at atensiyon. Ang kaugnayan natin sa taong iyon ay isang bagay na bitbit natin, wika nga, tinitimbang kasama ng iba pang mga gawain gaya ng edukasyon, karera, pananampalataya, atbp. Madalas na ginagamit na analohiya rito ang ginagawa ng mga juggler: ang mga ito ay mga bolang patuluyan nating inihahagis upang muli ring saluhin at hindi malaglag. Sabihin pa, kung nabawasan ang mga “bola” mas dadali ang buhay. Mas makakapagpokus ka na ngayon sa iba pang mahahalagang bagay. 

Mga tunay na kaibigan. Sa ganitong masasakit na sitwasyon napatitingkad ang bahagi ng mga kaibigan sa buhay ng isang tao. Marami sa mga kaibigang iyon ang nagsakripisyo rin ng oras at panahon para mas maibuhos mo ang atensiyon sa taong iyon na minahal mo. Ngayong nagtapos na ang kabanatang iyon, hindi kaya magandang bumaling muli sa kanila? Hindi sila magagalit, sa totoo lang; malugod ka nilang tatanggapin at susuportahan. 

Higit na pagkakilala sa sarili at pundasyon sa hinaharap. Ang paghihiwalay ay isang pagtatapos, totoo; pero mas pinatitingkad nito, sa kabaligtaran, ang katotohanang hindi nagtatapos ang buhay dahil sa pagtatapos ng isang relasyon. Ang unang mga linggo o buwan ng paghihiwalay ay talagang isang masakit na karanasan; pero sa bawat araw na napagtagumpayan, sa bawat gabing natulugan naman sa kabila ng mga luha, mas titibay ang pagtitiwala na kaya naman nga talaga. At hindi lang iyon; mas matatag ka pa nga pagkatapos ng gayong karanasan, mas handang harapin ang iba pang mapait na mga kalagayan, sa pag-ibig man o sa buhay, sa pangkalahatan. Nasanay ka man na mahalin ang mga katangian ng iba, ang paghihiwalay ang magtuturo naman sa iyo na gayon din ang gawin sa sarili, mabuti man o masamang bahagi. Sa hinaharap, matututo kang maging mapanuri at mapagbantay, mas ingatan ang puso at magpaubaya lang nito sa mga mas karapat-dapat. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...