Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga pagmumuni sa ika-tatlumpung taon ng buhay

10-20-30. Ikasampung buwan. Ikadalawampung araw ng buwan. Ika-tatlumpung taon.

*****

Noong ika-20, tumuntong ako sa edad na tatlumpu. Hindi naman kami nagdiriwang ng kaarawan, kaya wala namang espesyal sa araw na iyon. Ang totoo, nakakaasiwa pa ngang malaman na nagpalit na ang unang numero ng iyong edad.

Nang gabi ring iyon, tumungo kami sa lamay ng lolo ng isang kaibigan. Nakausap namin ang kaniyang iniwang asawa, na walumpu’t-isang taon niyang nakasama. Malinaw pa sa kaniyang alaala ang lahat ng kanilang magaganda at masasayang karanasan bilang mag-asawa, lumuluha sa pana-panahon habang nagkukuwento.

Ang galing, ano: Sa pagtahak ko sa karagdagang hakbang sa buhay, heto’t nakikinig ako sa mga alaala tungkol sa isa na nakatapos na ng kaniyang landasin.

*****

Magkaugnay naman talaga ang buhay at kamatayan. Ang sabi nga sa Bibliya, sapagkat sa alabok tayo kinuha, sa alabok din tayo babalik. Kaya pwede nating ituring ang buhay na parang isang relay, isang sack race: May isang biyahe papunta sa dulo, pero meron ding pag-ikot na magaganap, kung kailan tatahakin mo na ang daang pabalik tungo sa iyong huling patutunguhan. Kaya siguro sinasabi ng matatanda: papunta ka pa lang, pabalik na ako.

Ang sabi rin sa Bibliya, ang edad ng tao ay nasa pitumpu, o kung may kalakasan, ay nasa walumpu. Kaya nasa dulo na pala ako ng aking biyahe “papunta” at sa loob ng lima, sampung taon, ay papaikot na ako para sa aking “return trip”. Kaya siguro sinasabi ng ilan: life begins at forty.

*****

Pero kumusta naman nga ba ang pagtahak ko sa buhay? Sa loob ng tatlumpung taon, masasabi ko namang malayu-layo na rin ang aking narating. Sa literal na paraan, ni hindi ko nga ma-imagine na ang batang mula sa mga kabundukan ng Antipolo ay makakapanirahan nang ilang taon sa tahimik na Dresden sa Alemanya. Sa makasagisag na diwa naman, sino ba ang mag-aakala na ang pandak at payatot na batang walang kumpiyansa sa sarili ay magiging Assistant Professor ngayon sa pisika sa itinuturing na pangunahing pamantasan ng bansa?

*****

Dahil malayo na rin kahit papaano ang naaabot ko sa paglalakbay sa buhay, napakarami ko na ring mga taong nakasalamuha, mga taong sa isang punto ay nakasabay o nasalubong ko sa “daan”.

Pinagpala ako dahil marami sa kanila ay mga taong talagang pinahalagahan ko. Marami akong hinangaan, mga taong tiningnan bilang inspirasyon, mga taong aking iginalang. Marami sa kanila ang nagpatawa sa akin, nagdulot ng mga luha ng kagalakan, nagbigay ng tulong kapag may problema, bumuhat sa akin sa mga panahong ako ay nalugmok at waring hindi na makapagpatuloy.

Masaya rin ako dahil binigyan ako ng pagkakataon na tumulong din naman sa iba. Sa ilang kaso, nakita ko ang kagandahan mula sa mga taong hindi nakakita nito sa kanilang sarili.

Siyempre pa, mayroon ding mga iba pa na mamahalin ka lang sa limitadong panahon. May mga tutulong lang kapag kumbinyente sa kanila. May mga magpapahalaga lang sa maalwang panahon, pero iiwanan ka rin kapag nakuha na nila ang kailangan nila. May mga iba rin, sinasadya man o hindi, na bigla ka na lang bibitawan nang walang dahilan.

Sa madaling salita, sa kabuuan ng aking paglalakbay palapit sa “ikutan” ng buhay, nagmahal ako, minahal ako, at nasaktan din naman.

*****

Ngayon, dalawang araw pagkatapos ng araw na iyon, heto’t nakahiga ako at hindi makabangon dahil sa lagnat. Kaya naman kung anu-anong drama ang pumasok sa isip ko.

Isa sa mga napagtanto ko ay na marami rin ang hindi na nabibigyan ng pagkakataon na makatapos sa dalawang “leg” ng “sack race” ng buhay. Marami ang pumapanaw na sa maagang edad, dala ng sakit, aksidente, o, masakit pa nga, krimen. Marami ang papabalik na nga sana pero napadali patungo sa destinasyon dahil sa kawalang-ingat at pagpapabaya.

Kaya naman ipinangako ko na sa sarili ko na mag-iingat na ako sa aking kalusugan. May pinirmahan pa nga akong kontrata kasama ng isang mahal na estudyante para kumain nang tama.

Marami-rami na rin akong minahal na ibang tao, kaya dapat lang sigurong dagdagan ko nang kaunti ang pagmamahal naman sa sarili.

*****

Siguro ay paraan na rin ang sakit ko ngayon upang ipaalala ang isa pang mahalagang katotohanang ito sa buhay. Na ang buhay ay hindi lang magwawakas. Posible itong magwakas agad.

Kaya naman gusto ko nang samantalahin ang pagkakataon para magpasalamat sa lahat-lahat. Sa mga taong nais kong paabutan nito: Alam na ninyo kung sino kayo, at hindi magmamaliw ang pagpapahalaga ko sa inyo.

At bago pa ako mapunta sa kung saan-saan, matutulog na muna siguro ako. Sa paggising ko ay magpapasalamat akong muli sa panibagong pagkakataon na makatuloy sa karerang ito.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...