Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa panahon ng thesis

tuwing sasapit ang katapusan ng semestre, may kakaibang hangin na pumapailanlang sa mga pasilyo ng mundo ng NIP.

lalo pang damang-dama ito sa panahong ito, sa pagitan ng mga buwan ng Enero hanggang Marso. ang malamig na simoy ng hangin ay humuhudyat na patapos na, hindi lang ang semestre, kundi ang buhay estudyante para sa marami sa NIP. siyempre pa, hudyat din ito ng pagsisimula ng matarik na biyahe tungo sa pagtatapos: ang biyahe ng paggawa ng thesis.

tatlong beses na akong gumawa ng thesis. ang thesis time ay isang panahon ng pambihirang pagkamalikhain; sa katunayan, ang blog na ito ay sinimulan ko mga limang taon na ang nakakaraan bunsod ng thesis time. wari bang sadyang bumubukal ang mga salita at ideya, na para bang ang lahat ng bahagi ng utak ko ay nagboboluntaryo, nagpapagamit. para bang ang seksiyon ng utak ko na ginagamit sa pag-awit ay nakikitulong na rin sa pagsusulat ng manuskrito ng thesis. ang departamento na namamahala sa motor skills ay nakipagtulungan sa departamento naman ng programming. sa lahat ng neurons ko sa utak, parang ang nagpahinga lang ay ang bahagi ng utak ko na kumokontrol sa tulog. sa totoo lang, kapag panahon ng paggawa ng thesis, para bang hindi nauubos ang suplay ng adrenaline sa katawan.

ganiyan din marahil ang naranasan na, nararanasan at mararanasan pa ng lahat ng gumawa, gumagawa at gagawa pa ng thesis, sa NIP o saan pa mang ibang departamento, kolehiyo o unibersidad. pero bukod sa willpower at deadline, mga puwersang tumutulong sa isa na magsipag pa, na kayanin ang ilang linggo ng pukpukan, at manatili sa katinuan ng pag-iisip. inilista ko ang ilan sa mga bagay na ito: mga bagay na hindi natin pinapahalagahan sa pangkalahatan, pero mga tapat na kaibigan sa tuwing thesis time.

  • ang lumang desktop na iyon sa bahay. marami ng estudyante ang may laptop; narito na lahat ang kanilang kailangan, at araw-araw pa itong nadadala. kaya madalas, gaya ng isang magulang na naiiwan sa bahay kapag pumapasok sa eskuwela ang mga anak, ang lumang desktop na kinalakihan ay nakaupo, natutulog sa isang tabi. maswerte nang mapakuan ng tingin, lalo pa nga ang mabuksan, sa pana-panahon. pero nagbabago ang lahat sa thesis time. ang desktop ay nagiging backup ng files, taga-run ng mga simulation na kailangan pa habang ang laptop ay ginagamit sa pagsusulat (o pwede ring ang kabaligtaran), taga-burn ng CD para sa kopya ng adviser, at taga-print ng colored pages ng thesis gamit ang printer sa bahay. kung minsan, nasa desktop lang din na iyon ang isang imahe na matagal mo nang hinahanap, isang lumang result mo noong undergrad.
  • instant pancit canton. noong bata pa ako, wala pang instant pancit canton. ayoko din ng lasa ng "tunay" na pancit canton; nasusuya ako sa malapad at malangis na noodles. ewan kung saan nakuha ng mga gumawa nito ang ideya, pero nang lumabas ang pancit canton sa pamilihan ay naging patok na ito sa mga "thesis-ists" (mga physicist na gumagawa ng thesis). ang pagiging mura, madaling iluto, madaling hanapin, o masarap - lahat ng ito siguro ang naging dahilan kaya ito ang unang-unang pagkain na paborito ng mga taong sa sobrang pagkaabala ay mayroon lamang dalawang minuto para huminto sa gawain. sa ngayon ay marami nang variation ang orihinal na pancit canton idea: marami na ngayong kung anu-anong flavors at packaging. marami na ring naimbentong paraan ng pag-lapang dito ang mga taong nakulong sa lab: nariyan ang normal na pagluluto, ang instant noodle style ("para di sayang ang tubig"), ang cup noodle style (kapag mainit na tubig lang ang meron ka), at ang chichirya style (pag wala talagang tubig at desperado ka na).
  • ang 24-hour delivery service. na online. mayaman ka man o hindi, darating at darating ang panahon na magpapadeliver ka. una sa lahat, masusuya ka rin sa vetsin at matatakot ka din na magka-cancer dahil dito (kaya hindi pwedeng laging pancit canton o cup noodles). isa pa, minsan ay marami kang kasama pero wala sa inyo ang gustong bumili o magluto. higit sa lahat, darating talaga ang panahon na nasa buwelo ka at ayaw mong gumalaw mula sa kinalalagyan: pwedeng nasa kasagsagan ka ng experiment at noon ka lang nagkaroon ng magandang data, o kaya ay baka makalimutan mo ang flowchart ng program mo na nasa isip mo lang, o kaya ay nasa homestretch ka na sa pagsusulat ng huling chapters ng thesis. anuman ang dahilan, isa sa inyo ay tatawag sa telepono o mag-o-order online. ibang klaseng ligaya (alam na alam ito ng mga nakaranas na) ang dala ng isang simpleng french fries at sundae. iba.
  • ang maliit na kama sa lab. naroon lang iyon, inaalikabok at walang pumapansin sa regular na mga araw. biglang-bigla, naging mainit ito sa mata ng lahat, gaya ng isang magandang dilag ay pinag-aagawan. iyan ang maliit na kama sa lab (o ang simpleng mat o kahit banig pa nga).
  • batchmates. eto, eto ang pinakapahahalagahan mo sa panahon ng paggawa ng thesis. maubos na ang lahat ng canton sa lab, maubos na ang kape, ma-late na ng 3 oras ang delivery, basta nandyan ang mga pare at mare na karamay sa panahong ito, ayos lang. para bang nagiging mas masipag ka sa pagkanaroroon nila. nagkakahawaan kayo ng adrenaline rush, kaya ninyong tumagal sa panahong ito.

sa mga nagte-thesis ngayon, galingan ninyo! nasa huling bahagi na kayo ng takbuhan. kaya nyo yan. :)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...