Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga kasalan ngayong Disyembre

di ba Hunyo?

ang buwan ng mga kasalan? hindi ko alam kung may kinalaman ba sa pangalan ng buwan ito, pero nakagawian nang ituring na wedding month ang buwang ipinangalan kay Juno, ang diyosa ng mga kababaihan sa mitolohiyang Romano. tuwing Hunyo ay naglalabasan ang mga bagay na may kinalaman sa mga kasal: mula sa mga display sa mga mall hanggang sa mga features sa mga magasin. kaya marami ang pumipili sa Hunyo bilang buwan ng kanilang pag-iisang dibdib.

*****

pero ngayong Disyembre, nagkasunud-sunod ang mga kasalan na nababalitaan ko sa maliit na mundo ng mga kaibigan at kakilala ko. may kinalaman kaya rito ang lamig ng mga gabi ng Disyembre?

nariyan si Ate Ianne, na nitong Lunes ay ikinasal kay Anthony. nahilingan pa nila ako (kasama si Ate Bhazel) na maging emcee sa piging ng kasalan. ang isang pares sa mga ninong at ninang ay hindi nakarating: sina Sir Chris at Ma'am Sher. ang dahilan? kinabukasan ay dadalo sila sa isang (nahulaan nyo na siguro) kasalan, sa pagkakataong ito'y sa kapatid ni Ma'am Sher sa Isabela.

sa pagbukas ko ng Facebook ni Steph, isa sa mga kaibigan niya mula sa kongregasyon ay nagpaskil na may ilang kasalan pa siyang pupuntahan. marahil, ang isa dito ay kay Prince at Jemmi, mga ka-kongragasyon ni Steph na naging kaibigan ko na rin (at, dahil dito, ay naimbitahan na rin ako). ang kasal ay magaganap naman sa lunes, ika-27. tiyak, malibang ikaw ay may trabahong may kinalaman sa kasal o isang bigatin sa lipunan, bibihira ang maiimbitahan sa mga kasal na may agwat lamang na isang linggo.

isang kamag-aral ko rin yata noong high school ang ikakasal ngayong Disyembre; nabalitaan kong dumalo na nga silang magkasintahan sa isang family planning seminar, isang requirement sa kasal.

*****

ang kasal ay ang pagpapahayag ng pagpili ng dalawang tao sa isa't-isa bilang makakasama, makakapareha, sa buong buhay nila. tiyak, bago pa ang kasal, ang dalawang taong ito'y tumahak na sa mahabang landas na umakay tungo sa pagpapasiyang ito; ang kasal ang pangmadlang pagpapahayag, isang anunsiyo, na nagpapakilala sa madla na handa na ang dalawa na hindi na humiwalay pa sa isa't-isa.

Hunyo man o Disyembre, may okasyon man o wala, ang mahalaga'y ang pagpili ng mga taong ito na mahalin at habangbuhay na igalang ang isa't-isa.

bilang imbitado, tayo ay mga kaibigan o kapamilya na nakikisaya sa dalawang taong iyon na piniling tumahak sa buhay mag-asawa. ang pagkanaroroon natin sa kasal at sa reception ay ituring nawa natin na pasimula ng pakikisaya at pagtulong natin sa magiging mag-asawa. bukod sa mga regalo at pagbati, mas mahalaga na maiparating natin sa bagong kasal na nasa kanila ang ating suporta kahit pa sa mga panahong masisikip ang tawiran at mababato ang landas sa unahan.

*****

ang kasal ay isang panghabang-buhay na buklod. may bisa ito sa harap ng tao at ng Diyos. mas matibay ang taling may tatlong ikid, ang sabi nga sa Bibliya; mas nagtatagal ang pagsasamang kasama ang Diyos.

pagpalain nawa ang mga bagong mag-asawa! mabuhay ang mga bagong kasal. :)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...