Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-alarm ng cellphone sa umaga

sa modernong mundo, napalitan na ang pagtilaok ng manok ng pag-iingay ng mga naimbentong kagamitan bilang panggising sa umaga. nagsimula iyan sa mga mekanikal na alarm clock na bandang huli'y naging elektroniko na rin. at siyempre, nitong huli, ang alarm clock ay isa nang feature sa halos lahat ng cellphone.

*****

nagsisimula ang bawat kong umaga sa pag-iingay ng cellphone. isa, makalawa, makaitlong mag-aalburoto pa ito bago ako mapapayag na bumalikwas mula sa kama. hindi nakakatulong ang malamig na mga gabi ng Nobyembre para pabilisin ang pagkilos ko. kung minsan, dala na rin siguro ng sobrang pagod, wari bang naiinis na ako sa paulit-ulit na pag-ring ng alarm ng cellphone, na para bang ang cellphone ay isang tao na titigil sa pangungulit kung kainisan.


ang buong proseso ng gisingan ay umaabot kung minsan ng mga kalahating oras, kung minsa'y gumigising sa lahat ng tao sa bahay maliban sa akin.

*****

sa paggising, muli akong hahango tungo sa modernong mundo. mabilis ang galaw ng modernong mundo, sinusulit ang bawat paghinga at ang bawat segundo. sa bawat kibot ay may bagong tao, bagong laro, bagong eksena. ang lahat ng bagay ay waring dumadaan lamang sa harap ng iyong mga mata, nwawala sa isang iglap.


sa ganitong mundo na ang bawat tagpo ay pabagu-bago, mahirap makahanap ng mga bagay na tumatagal. bibihira ang mga taong mananatili sa iyong tabi, at hindi pa nga lahat ay nabibiyayaan ng isang kapareha. wala ring kasiguruhan ang kabuhayan, ang mabubuting kalagayan, mga materyal na bagay. kasabay ng pagbilis ng mundo ang unti-unti - hindi, biglaan yata - na pagkawala ng katapatan at pagka-permanente.

*****

kaya sa bawat gabi, hayun, tumatakas ako patungo sa kanya, ang pinakapermanente sa lahat sa buhay ko. sa kanya na hindi titigil sa pagmamahal at pag-aalaga. sa bawat pagniniig ay maaalala kong hindi naman pala lahat sa buhay ay kailangang mawala. hindi naman kailangang lahat sa buhay ay pabilisin.


hindi naman kailangang maging madalian at pansamantala ang mga bagay-bagay.

*****

pag-uwi, dadatnan ang cellphone ko, na gigisingin at kaiinisan ko na naman kinabukasan.

siya rin, sa maliit niyang paraan, ay larawan ng katapatan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...