Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga walang-lamang mga burador

noo't noon pa man, ang blog na ito na ang sumalo sa lahat ng mga buhos ng damdamin. nasasaling ko lang ito kapag may kurot sa puso o tadyak sa pagkatao; nang bandang huli, naging saksi rin ito sa mga pag-igpaw sa kagalakan.

nang maglaon ay bumuo ako ng iba pang blog para iulat ang mga kaganapan sa iba pang aspekto ng aking buhay, at kung dalas o dalang lang din naman ang usapan ay matagal nang tinalo ng mga nahuli itong blog na ito na nauna. gaya ng isang tunay na panganay, nasapawan na ang blog na ito sa atensiyon ng mga bunso.

sa ngayon, sa pagtungo ko sa Dashboard ng Blogger para magsulat pang muli - hindi rito, kundi sa blog ko sa pagtuturo - napansin kong kaunti na lamang ang agwat ng huli sa una. kaya sa halip na magpaskil ng isang paalala sa mga estudyante, ipinasiya kong hawiin ang mga landas pabalik sa blog na ito. hinawan ko ang matataas na "damo" para muling hanapin ang mga iniwan kong bakas sa mga naunang paglalakbay.

at ang una sa gayong mga bakas na sadyang kapansin-pansin ay ang malimit kong paggawa ng mga burador (draft). mga akdang nasimulan pero hindi natapos: nariyang may titulo pero walang laman, nariyang may isa o dalawang talata pero ang nakalagay lang sa itaas ay ang panglahatang "tungkol sa...". sinimulan kong busisiin pababa, mula sa pinakabago hanggang sa pinakaluma sa petsa.

doon ko napag-isip-isip: sa mga petsang ito, sa bawat walang-lamang mga burador na ito, tiyak na may mahalagang naganap. masaya man o malungkot ay di na mahalaga; sa mga petsang ito, tiyak na inudyukan ako ng pagkakataon na lumayo mula sa aking normal na buhay; buksan ang computer at bisitahin ang panganay kong blog; at iulat ang mga tumatakbo sa isip at puso ko. kinulang man sa sigla at panghikayat sa bandang huli ay maipagpapatawad na; bahagi ito ng paglalakbay ko sa buhay, isang maikli o wala pa ngang lamang paalala na minsan, sa buhay, dumaan ako sa puntong iyon, napahinto, napaisip, napasulat.

kulang ang kaisipan upang maisilid ang lahat ng detalye ng buhay. ang buhay ay hindi blog: wala itong archive at hindi ito searchable. may mga araw sa buhay na hindi siksik sa detalye. pero lahat ng araw - may sorpresa man ito o wala - ay isang kaloob ng buhay na hindi dapat maliitin.

sa katulad na diwa, may mga kuwentong mailalahad mo nang paulit-ulit hanggang sa kaliit-liitang detalye. may mga istoryang tumapik sa mismong kalooban mo, na mailalahad mo nang malinaw sa mga blog na tulad nito. pero mayroon ding mga kuwentong hindi ka nagka-panahon para limi-limiin. may mga istoryang ring hindi ka nagkalakas-loob para tapusin. pero sila rin, sila rin ay mga kuwento. mga istorya rin sila ng buhay mo.

marami pa ring sinasabi ang walang-lamang mga burador.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...