ngayong bakasyon, habang nakaupo at walang ginagawa tinatamad magtrabaho, bumabalik ang isipan ko sa mga pangyayari noong bata pa ako, kung saan walang nakakabagot na hapon at walang panahon para mag-isip kung ano ang kailangan o pwedeng gawin. nakakalungkot, wala na ang gayong mga hapon, at hindi ko alam kung ang mga anak ko at apo ay magkakaroon pa ng gayon. kaya heto, habang nakaupo at walang ginagawa tinatamad magtrabaho, balikan natin ang aking (ka)hapon. ***** lumaki ako ginugol ko ang aking kabataan sa maburol na antipolo, sa malawak at matatarik na mga dalisdis na tumatanaw sa batis sa ibaba. lumakad ako sa mga daang malilim, hindi dahil sa bubong o waiting shed, kundi dahil nasa ilalim ng malalabay na dahon ng mga punungkahoy. mga punungkahoy na naghilera - santol, sampalok, ratiles, mangga - na hindi pinili ng tao kundi itinanim ng kamay ng Diyos. maraming dahilan noon kung bakit ko pinipili ang hapon ( ito o), pero ngayon, tuwing nagkakaroon ako ng pagkakataon na ba...