Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa UPPAg-ibig at pag-awit sa kasal

O pag-ibig na labis ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw!
Kapag ikaw ay nasok sa puso ninuman
Hahamakin ang lahat masunod ka lamang

mula iyan sa Florante at Laura ni Balagtas. kung tama ang pagkakaalala ko, iyon ang parte kung saan inilalahad ni Adonis ang kanyang kuwento kay Laura: kung paanong ang kanyang malupit na amang Moro ay umagaw sa kanyang kasintahang si Flerida.

pero sa NIP, ang unang dalawang salita ay pinagsasama tuwing Pebrero para sa isa sa pinakamasayang event na isinasagawa ng UP Physics Association (UPPA), and org na pinanggalingan ko. ang UPPAg-ibig ay isinasagawa taun-taon. dito sa aktibidad na ito, isang pares na lalaki at babae (well, so far puro pa naman sila lalaki at babae) ang kunwang ikinakasal ng isang kunwang pari. kumpleto ang seremonya at reception; may wedding singer pa nga at reception.

sa UPPAg-ibig naikasal sina phoebe at christian alis; sina alnon at jan; at nitong nakaraang taon, si felix at si mikki. siyempre pa, laging pari si sir sarmago. at mga PA members ang mga abay.

iba't iba ang inaabangan ng mga tao kapag UPPAg-ibig. nauuna na diyan ang mismong ikakasal. stressful ang huling mga araw ng botohan para sa pagpili ng UPPAg pair. makailang ulit na botohan at bilihan (pang-cancel) ng boto ang nangyayari kapag huling mga minuto. kapag ikaw ang front-runner at ayaw na ayaw mo, ubos ang pera mo.

sa seremonya ay pinakahihintay ang halikan. si phoebe at si alis ang huling pair na nag-smack (sanay naman na sila, hehehe). may "honeymoon" pa nga na inihahanda ang UPPA. may bridal car na nag-aabang sa ikinasal na couple at ibibiyahe sila sa palibot ng oval. kung anuman ang nangyayari habang biyahe ay mga nasa loob na lang ng kotse ang nakakaalam. hehehe.

at ang napakasayang reception. ang cake at coke. ang di nawawalang pancit. sa reception nagkakasama-sama ang NIP community: mga doktor sa pangunguna ni sir chris, mga UPPA members at alumni, mga napadaan lang para mag-overnight sa lab. buhay na buhay ang pool side sa kislap ng mga camera at ingay ng tawanan at musika.








sa reception din ng UPPA-ibig inihahagis ang bouquet. nitong nakaraang taon, ako ang nakasalo nito, kaya maraming nagtatangka na isunod ako sa hanay ng mga ikakasal ngayong taon.

pero kung pupunta man ako sa UPPAg, hindi upang magpakasal o kumain.

limang taon na ang nakakaraan, sa pag-oorganize namin ng UPPAg (bilang mga alilang aplikante noon ng UPPA), si Mia ang pinili na wedding singer. grabe. ang malamig na gabi ng pebrero ay lalong lumamig sa ganda ng boses niya habang inaawit ang "ngayon at kailanman" ni basil valdez. samantala, sa pool side, pumapasok na ang mga abay. bagamat nagkakatawanan na nang pumasok ang bride na si jan para lumapit sa altar kasama si alnon, sa isip ko ay sigurado na akong magiging gayon ka-espesyal ang kantang aawitin ng sinumang magiging wedding singer sa aming kasal.

parang gusto ko na tuloy mag-wedding singer sa UPPAg-ibig ngayon.







samantala, bago pa ang UPPAg-ibig ay ni-request na ni Ainah (girlfriend ni Tons) na isa ako sa kakanta sa kanilang kasal.

nakasama kasi namin siya sa isang puyatang videoke, at nagkataon namang nagtama ang aming mga musical selctions. idagdag mo pa ang galing ni felix sa hindi lang sa pag-awit kundi sa pagpapaganda ng melodiya sa pamamagitan ng second voice. mapa-air supply o seal ang banatan namin, o kahit pa sumigaw sa "alone" ng heart, desidido na ang couple na kami ang kunin sa kanilang kasal.

sabagay, nasubukan ko naman nang umawit sa reception ng kasal ng kaibigan ko. kapareha ko si weng, isang mabuting kaibigan na magaling umawit. ok naman yata ang aming pagkanta (palagay nyo?). si hannah naman ang naka-duet ko sa isa pang kasal sa aming kongregasyon, at di naman yata kami pumalpak.

na-realize ko na hindi ako makaka-awit para sa isang kasal kung walang ka-duet.






sa seminar ni issa sa instru, ipinakita ng mga pag-aaral na ang musika ay nag-a-activate ng mga bahagi ng utak na may kinalaman sa pagdedesisyon. siyempre pa, kinukuwestiyon ng mga researcher sa papel na ise-seminar ni felix ang validity ng functional magnetic resonance imaging, ang pag-scan sa utak na ginamit ng mga researcher na iyon.

sabihin pa, kung totoo man o mali ang mga resulta na ipinakita ni issa, hindi maikakaila na ang musika ay may napakalaking epekto sa damdamin at kamalayan ng mga tao. musika ang itinuturong nag-ugnay noon sa mga sinaunang sibilisasyon, isang badge, ika nga. at hanggang sa ngayon, ang musika pa rin ang nag-uugnay sa mga tao.

kung ang musika man ay isang pagpapasiya, konektado nga itong talaga sa pag-ibig. dahil ang pag-ibig ay isang pagpapasiya. ang tunay na pag-ibig ay ang desisyon na ialay ang iyong buhay para sa isang tao. ang desisyong ito ang isinasagisag ng kasal.

at sa kasal ay may awitin. na aawitin ng wedding singer.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...