Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load ngayon, pero dahil sa hybrid  na setup ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase. 

Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai-upload ang mga video at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon. 

Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago mag-agaw ang liwanag at ang dilim. Sabik na maiunat ang mga binti at magpapawis, lalabas na kami niyan, maglalakad-lakad sa malamlam na liwanag ng hapon. 

At mga ilang hakbang pa lang, mapahihinto na kami ng magagandang mga tagpo ng kalikasan. 


Ang papalubog na araw at ang kulay kahel nitong sinag ay litaw na litaw sa asul na background ng kalangitan, at wari bang nagbibigay ng karagdagang kinang sa luntiang kapaligiran. Kitang-kita tuloy ang maagang pagdadahon ng mangga; ang halos dilaw pang mga bagong dahon ay parang mga koronang nakapatong sa berdeng "buhok" ng mga puno. Maging ang mga damuhan, malaon nang sanhi ng reklamo ng mga tagarito (dahil sa posibleng pagbahayan ng mga ahas at iba pang hayop na ligaw), ay nakakamanghang pagmasdan. 


Ang matayog na puno ng bulak, na halos kinalbo mga ilang buwan na ang nakakaraan, ay muling matayog na humahalik sa kaulapan. Hindi makuha ng camera ang dahan-dahang pagsayaw ng mga dahon nito sa mahinang ihip ng hangin, wari bang kumakaway sa mga katulad naming nakapansin at napadaan. 


Sa isang iglap, ang pamilyar na mga tagpo na araw-araw namang nakikita ay biglang napapansin. Sa paglalakad-lakad kapag hapon, nagiging espesyal ang mga bagay na pangkaraniwan. Nang piliin naming manirahan sa kabundukan, talaga namang ito ang aming layunin: ang mapalayo sa ingay ng lunsod at ang maramdaman ang ganda at katahimikan ng probinsiya. Sabihin pa, nagiging abala na rin ang aming maliit na komunidad; pero sa ganitong mga panahon ng tahimik na paglalakad-lakad, muling lumilitaw ang simpleng halina ng maliit, mabundok, mapuno, at madamong kapaligiran. 


Maya-maya pa, sumapit na rin ang gabi. Mula sa aming balintataw, nagliliwanag na ang mga kalsada at gusali ng malayong kalunsuran. Pero hindi namin dama ang pagod at pagmamadali nito, nababalot ng mga kaparangan ng mabundok na probinsiya. 

Muli akong babalik doon, sa maliwanag na lunsod sa malayo. Muli akong maiipit sa trapik, makikipagbakbakan sa takbuhan ng abalang mundong iyon. 

Pero hindi pa iyon ngayon. Bukas pa iyon, at sa isang araw. Sa ngayon, kasama ng pamilya at bitbit ang biskuwit na binili sa kalapit na tindahan, tatanawin ko lang (at kukunan ng larawan) ang malayong mga ilaw na iyon. 

Sa ngayon, maglalakad-lakad lang kami, pauwi sa bahay (at medyo pinagpawisan). Natapos man ang hapon at nagmamadali ang gabi, ang ngayon ay ngayon, at bukas pa ang bukas. ■ 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.