tungkol sa mga tagpo habang nakaangkas sa motorsiklo
Malayo ang Maynila, at matrapik ang paglalakbay. Ang dalawang oras na paggapang ng kotse kong manual transmission ay para bang katumbas ng sampung taon. Paglabas ko sa kotse, para bang kailangan ko ng tungkod, mababali ang likod.
Kaya sinunod ko ang payo ng bayaw ko at nagpahatid (madalas ay sa kaniya rin) sa pamamagitan ng motorsiklo.
Ang pag-angkas sa motorsiklo ay may kamahalan kumpara sa normal na serbisyo ng transportasyon, pero di hamak na mas mura kumpara sa pagpapahatid sa kotse (na, maisingit ko lang, isang monopolyo). Pero mabilis ito, dahil sa pagsingit-singit sa maliliit na espasyo sa pagitan ng mga sasakyan. Nakakapanibago sa simula ang paghawak at pagbalanse, pero makakasanayan din naman pagtagal. Hantad ka sa mga elemento kapag sumasakay ka sa motorsiklo, pero buong-buo naman, lagpas 180-degree view ang mga tanawin.
Siyempre, nakakabahala rin ang mga posibleng aksidente. Pero dahil ito na rin ang ikinabubuhay nila, alam na rin naman ito ng mga drayber. Napapakiusapan naman sila. At masaya rin naman silang kausap.
Hindi siguro ako bibili ng motorsiklo na pansarili; hindi pwede ito kay misis at pakiramdam ko ay hindi rin ako komportable. Pero sa malapit na hinaharap, nakikita kong mas magtitiwala ako sa anyong ito ng pagbibiyahe. Delikado man, pero sa mga sandaling nakaangkas ako sa motorsiklo, wari bang may dala itong maliit na sandali ng kalayaan. •
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento