tungkol sa di pa naitutuloy na konstruksiyon
Para maiba naman, sinubukan naming lumabas ng bahay patungo sa mga itinatayong bloke ng mga bahay sa tapat namin. Hindi naman kasi gayon ka istrikto, basta nasa loob lang ng subdibisyon namin. Ang totoo, mga parang at damuhan ang nasa harapan namin kung saan itinatayo ang mga bagong bahay, at wala naman talaga kaming makakahalubilong mga tao.
Lalo pa’t mahigit isang buwan na mula ngayon nang tumigil ang mga nagtatrabaho sa konstruksiyon. Kitang-kita ang mga bakas na iniwan nila ang kawalang-kasiguraduhan ng kanilang pag-alis. Nariyan ang mga scaffolding na hindi man lamang naisalansan. Mga hinukay na pundasyon, na unti-unti nang muling natatabunan ng nagdaang mga pag-ulan. May naiwan pa ngang bareta at martilyong walang hawakan, maliban pa sa nagkalat na mga alambre at pinutol na mga bakal.
*****
Gaya ng marami, ang mga trabahador na ito ay hindi rin naging handa sa biglaang pagdedeklara ng quarantine sa buong pulo. Marami sa mga nagtrabaho rito ay hindi na nakabalik; mabuti na lamang at karamihan sa kanila ay sa malapit lang nakatira at hindi naipit; kahit papaano ay kasama nila ngayon ang pamilya nila.
Takot sila ngayon, takot sa di-nakikitang sakit na mabilis na nakamamatay. Pero sa pagdaan ng mga araw, mas takot na sila sa banta ng gutom, habang unti-unting nasasaid ang laman ng bulsa at ng bigasan sa bahay. Sa kabila nito, nariyan din ang takot na mabansagang “pasaway” at maikulong dahil sa pagdiskarte sa labas.
Ang totoo, mas nag-aalala pa ngayon ang mga trabahador na ito sa di-pa-naitutuloy na konstruksiyon kaysa sa mismong may-ari ng mga bahay na ginagawa nila. Mas nasasabik na silang muling sumabak sa gawain, hindi lang para matapos na ang mga itinatayong bahay kundi para matapos na ang pag-aalala at kawalang-kasiguraduhan para sa kanilang mga sarili at mga pamilya.
*****
Mapapansin na kinalawang ang mga nakahantad na mga bakal; umulan kasi nitong nakaraang mga linggo. Tumagilid ang ilan sa mga ito, dahil na rin siguro sa sarili nitong bigat habang naghihintay ng buhos ng semento. Samantala, inanod naman ang mga buhangin, at nagkalat na ang dating bunton ng mga graba.
Ang tahimik na mga istruktura ay larawan ng mga nasayang na pagkakataon, mga pagsulong na biglang itinigil ng pandaigdig na salot. Ang totoo, ipinaaalala sa akin ng mga hubad na mga hollow blocks at kinakalawang na mga poste ang kalagayan ng daigdig sa ngayon. Ang mabilis na takbo ng buhay ay kagyat na huminto, habang ang buong mundo ay dahan-dahan pang umaalinsabay sa mabilisang mga pagbabago sa laban sa di-nakikitang kaaway. Ang tahimik na mga istraktura ay lumalarawan sa lahat -- mga negosyo, paaralan, grupong panlipunan at relihiyon, at maging ng mga pamilya sa loob ng mga tahanan -- na tahimik na nag-aabang sa muling pagbabalik sa normal ng mga kalagayan.
*****
Samantala, muling inaangkin ng kalikasan ang dati nitong teritoryo. Ang mga kalsada sa pagitan ng mga row houses na hinawan ay muling ginagapangan ng mga damo at mga ligaw na baging. Sa nagdaang pag-ulan, may ilang mga munting usbong -- marahil ay mula sa mga buto ng mga halaman at gulay na inihagis ng mga manggagawa -- na lumilitaw at lumalaki. Ang maiingay na mga ibon ay naglalaro at nagpapahingalay sa mga di-pa-tapos na pader at mga nakausling mga bakal.
Sumilip ako sa dako pa roon, malayo sa mga parang sa subdibisyon namin patungo sa mga lunsod sa ibaba. Totoo naman; ang pagsasara ng pasilidad at pagbabawal sa paglalakbay ay muling nagpalinis sa hangin, anupat malinaw kong nakikita ang mga bahay at gusali sa Kamaynilaan. Tunay nga, ang kagyat na paghinto ng nakasanayang kalakarang panlipunan ay nagbigay-daan naman para ang kalikasan ay, sa diwa, makahinga.
*****
May agam-agam din sa isip ko, at pagtanaw sa panahon kung kailan makababalik na ang lahat sa nakasanayan. Pero gaya ng mga tagpo dito sa di pa naitutuloy na mga pagtatayo sa harap ng bahay namin, hahayaan ko na lang marahil na ang biglaang paghinto ng buhay ay magbigay-daan upang makapagpahinga. Ang katawan. Ang isip. Ang diwa.
Alam na alam ko, kapag nakabalik na ang lahat sa dating gawi, hahanap-hanapin ko ang mga pagkakataong gaya nito. Oo, mga pagkakataon na nagagawa ko pa kahit ang simpleng pagninilay-nilay tungkol sa mga di-tapos na konstruksiyon sa harap ng bahay. ■

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento